Alab ililista ang ika-15 panalo sa ABL
MANILA, Philippines — Haharapin sa ikaapat at huling pagkakataon ng nagdedepesang San Miguel-Alab Pilipinas ang nangungulelat na Zhuhai Wolf Warriors sa 9th ASEAN Basketball League Sta. Rosa Multi-Purpose Sports Complex sa Sta. Rosa, Laguna.
Tatlong beses pinadapa ng Alab Pilipinas ang baguhang koponan mula sa mainland China, ang huli ay 105-79 noong Biyernes sa teritoryo ng Wolf Warriors mismo.
Sa unang pagtatagpo ay nagwagi ang tropa ni head coach Jimmy Alapag, 105-95, noong Enero 6 sa Lapu Lapu City, Cebu at ang ikalawa ay 100-81 sa Doumen Gymnasium sa Zhuhai, China.
Kaya hangad din ng Chinese team na maka-isa kontra sa Filipino team na asam din ang pang-15 panalo sa 18 laro para sa solidong paghawak sa top spot.
Mayroon pang mahigit siyam na laro ang natitira sa Alab Pilipinas sa elimination round kaya hindi pa sigurado ang muling pagpasok sa Final Four dahil puwede pang makahabol ang Formosa Dreamers (10-5), Singapore Slingers (10-7) at Hong Kong Eastern Lions (12-9).
Kahit ang pang-limang Saigon Heat (10-8) ay may pag-asa pang humabol sa playoff.
Asam din ng tropa ni Alapag na protektahan ang kanilang malinis na 10-0 record sa home court bukod sa 4-3 road game.
Ang Wolf Warriors ay nanatili sa ilalim ng standings sa 2-16 slate at 0-7 sa road game at 2-9 sa kanilang tahanan.
Samantala, humakot si Puerto Rican giant PJ Ramos ng triple-double sa kanyang 15 points, 14 rebounds at 11 assists para sa ikatlong panalo ng Alab Pilipinas kontra sa Zhuhai Wolf Warriors, 105-79, kamakalawa at bumangon kaagad sa pagkatalo nila sa Hong Kong Eastern Lions.
Bukod sa 7-foot-3 na si Ramos ay nag-ambag din ng 19 points, 7 rebounds, 5 assists at 2 steals si import Renaldo Balkman, habang may 15 markers si Bobby Ray Parks, Jr. na may kasamang 3 rebounds.
- Latest