Mighty Sports binuhat ni Lamar Odom
MANILA, Philippines — Bagama’t nanganga-pa pa, litaw pa rin ang angking galing ng two-time NBA champion na si Lamar Odom nang akayin sa 106-99 na tagumpay ang Mighty Sports kontra sa Philippine Basketball Association (PBA) team na Blackwater kamakalawa ng gabi sa Filoil Flying V Centre sa San Juan.
Nagkasya lamang sa limang puntos ang 39-anyos na si Odom pero higit pa sa sapat ang tulong sa ibang departmento gaya ng rebound at assist para sa matagumpay ng unang laban ng Mighty Sports.
“I’m happy with how the result turned out, but of course there’s still a lot of work to do. Malayo pa kami from where we want to be,” ani coach Charles Tiu.
Ito ang unang laro ni Odom sa loob ng limang taon nang huling sumalang sa New York Knicks noong 2013-2014 NBA Season.
Dating sixth man of the year, sumailalim si Odom sa mabigat na suliranin sa nakalipas na limang taon na kinatampukan ng 12 strokes at anim na heart attacks bago mabigyan ng pagkakataong mabalik sa basketball bilang reinforcement ng Mighty Sports.
Naghahanda ang koponan para irepresenta ang bayan sa nalalapit na Dubai International Basketball Championship mula Pebrero 1 hanggang 9.
Giniyahan ng kilalang Ginebra resident import na si Justin Brownlee ang atake ng Mighty Sports lalo na sa ikalawang kanto kung saan nakalayo sila nang bahagya kontra sa Elite, 44-34.
Buhat noon ay ‘di na muling lumingon pa ang koponan nang makapagtayo pa ito ng hanggang 97-77 na bentahe sa likod ng isa pang import na si Randolf Morris gayundin ang iba pang locals na sina Juan Gomez de Liaño at Jeremiah Grey.
Ito ay sa kabila ng jetlag ni Morris na kararating lamang sa bansa kamakalawa.
Bilang subok na PBA squad, hindi naman tumiklop agad ang All Pinoy na Blackwater nang magsalpak ng tres si Mike DiGregorio sa 1:53 marka ng laban upang tuldukan ang 17-3 ratsada ng koponan at putulin ang lamang ng Mighty Sports, 94-100 bago sila naubusan ng oras.
Sa panig naman ng Blackwater, sumalang sila sa naturang scrimmage upang magpa-kundisyon para sa laban nito kontra sa Rain or Shine sa Enero 30 sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagkukumahog ang kampanya ngayon ng Elite hawak ang 0-2 baraha sa simulang bahagi ng 2019 PBA Phi-lippine Cup.
- Latest