Nalagasan na naman ang TNT KaTropa
MANILA, Philippines — Lalong numipis ang kulang-kulang na roster ng Talk ‘N Text KaTropa.
Ito ay matapos ang isang larong suspensyon ng big man na si Mike Miranda bunsod ng kanyang flagrant foul penalty 2 (FFP2) kay Justin Chua ng Phoenix noong nakaraang Sabado sa umiinit na 2019 Phi-lippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup.
Bagama’t 15 segundo na lamang ang nalalabi at talo na ang KaTropa, 84-93, nagpakawala si Miranda ng suntok sa sikmura ni Chua na siyang dahilan ng kanyang mabilis na ejection.
Ipinatawag si Miranda ni Commissioner Willie Marcial kamakalawa sa PBA Office at doon nahatulan sa kanyang di katanggap-tanggap na kilos.
Bukod sa isang larong suspensyon, nakatanggap din ng tumataginting na P30, 000 multa ang dating San Sebastian stalwart na si Miranda.
Bunsod nito, hindi makakalaro ngayon si Miranda para sa TNT kontra sa dating niyang koponan na NLEX.
Magugunitang bahagi si Miranda ng three-team trade sa pagitan ng Blackwater, NLEX at Talk ‘N Text na nitong offseason na nakasentro kay Gilas big man John Paul Erram.
Sinamahan ngayon ni Miranda sina Troy Rosario, Jericho Cruz at Yousef Taha sa listahan ng mga hindi makakalarong players para sa KaTropa na wala pa ring panalo sa idinaraos na All Filipino Conference.
Nagtamo ng nose injury si Rosario at forehead cut si Taha sa offseason habang nadale naman ng strained hamstring si Cruz noong nakaraang linggo.
Nagrerehistro si Santos ng 5.5 puntos at 5.0 rebounds sa bagong koponan na TNT na yumukod kontra sa Ginebra, 79-90 at Phoenix, 84-93 para sa malamyang 0-2 simula.
Matatandaang noong nakaraang Philippine Cup ay nagtamo na rin ng malaking P20, 000 multa si Miranda noong nasa NLEX pa siya matapos masipa sa sensitibong bahagi si Chris Ross ng San Miguel Beer.
- Latest