Sino ang dapat maging PBA MVP?
MANILA, Philippines — Hati ang mga coaches sa kung sino ba ang dapat na tanghaling Most Valuable Player papalapit sa end of season Leo Awards night na sasabay sa pagbubukas ng 44th Philippine Basketball Association (PBA) sa Enero 13 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Mayroong boto sa four-time MVP na si June Mar Fajardo ng San Miguel na masungkit ang kanyang makasaysayang ikalimang sunod na parangal at mayroon din kay Stanley Pringle ng Northport na hangad ang kanyang unang MVP plum.
Pagkatapos ng 43rd season, lamang nang bahagya sa statistical race si Pringle hawak ang 35.5 points habang nasa dikit na segunda lamang si Fajardo na may 33.1 points.
Subalit sa kabila ng kalamangan ni Pringle, naniniwala si Blackwater coach Bong Ramos na malaki ang naipuhunan ni Fajardo na nagwagi ng dalawang Best Player of the Conference sa Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
“Although Pringle is ahead sa stats pero si Fajardo may puhunan kasi dalawang BPC. Ibig sabihin, doon siya lumamang,” ani Ramos.
Si Fajardo rin ang boto ni Meralco mentor Norman Black na ang tagumpay ng Beermen naman ang pinagbatayan kumpara sa Northport ni Pringle.
“I would go with June Mar because he was very dominant when he played and his team had more success,” aniya.
Sa pangunguna kasi ni Fajardo, nagkampeon ang Beermen sa Philippine Cup at nag-runner up naman sa Commissioner’s Cup.
Subalit bunsod ng kanyang right shin injury sa Governors’ Cup ay naramdaman ang ‘value’ ni Fajardo nang malaglag agad sa quarterfinals pa lang ang Beermen.
Tatlong laro lamang nakasalang si Fajardo sa season-ending conference bunsod ng natu-rang injury para sa maliit lamang na 10.67 points kumpara sa naipong 34 puntos ni Pringle na naging dahilan ng pag-agaw niya sa unahan ng MVP race.
Ito naman ang dahilan ni Talk ‘N Text head coach Bong Ra-vena na pinili si Pringle dahil halos hindi nga nakalaro ng Governors’ Cup ang San Miguel center na si Fajardo.
“For me, it’s Pringle. Fajardo missed games in the third conference,” aniya.
Si Pringle din ang ninanais sana ni Columbian coach Johnedel Cardel na mag-uwi ng karangalan ngayon lalo’t si Fajardo ay nakasungkit na nito ng apat na beses.
“Sana si Stanley naman,” sambit niya.
- Latest