Wright mananatili sa Fuel Masters
MANILA, Philippines – Walang ibang pupuntahan si Matthew Wright matapos pumirma ng panibagong kontrata kamakalawa sa koponan na Phoenix Fuel Masters.
Tatlong taon na contract extension ang napagkasunduan ng 27-anyos na si Wright kasama ang kanyang agent na si Marvin Espiritu ng Espiritu Manotoc Basketball Management (EMBC) at Fuel Masters team manager Paolo Bugia.
Ayon kay Espiritu ay dadagdag ang naturang deal extension sa kasalukuyan niya pang rookie contract sa Phoenix buhat nang mapili ng koponan noong 2016 PBA Special Rookie Draft.
Bagama’t hindi naidetalye ang kontrata, posibleng maximum contract ito lalo’t si Wright na ang franchise player ng Fuel Masters bilang third year pro veteran na ngayon.
Nagrehistro si Wright ng 17.6 puntos sa 34 percent three point shooting at 4.54 assists noong nakaraang taon kung saan nagtapos na may 17-19 kartada ang Fuel Masters.
Sa pangunguna ni Wright ay nagpasiklab ang Phoenix sa season-ending conference na Governors’ Cup kung saan tumapos sila sa ikalawang puwesto.
Subalit hindi nagtuluy-tuloy ang tagumpay ng Fuel Masters nang masayang ang twice-to-beat advantage nito sa quarterfinals bilang second seed kontra sa beteranong Meralco.
Miyembro ng national team na Gilas Pilipinas, makakaasa ng tulong ngayong taon si Wright dahil nagpalakas din ng puwersa ang Fuel Masters.
Bukod sa kanya ay napapirma na rin ng Phoenix ang bagong manlalaro nito na si Alex Mallari ng dalawang taong kontrata gayundin ang rookie na si Jorey Napoles.
Nakuha ng Fuel Masters si Mallari kasama si Dave Marcelo mula sa NLEX kapalit ang fourth draft pick nito habang si Napoles naman ang unang Technological University of the Philippines (TIP) standout na na-draft bilang 12th overall pick sa naganap na 2018 PBA Annual Rookie Draft noong nakaraang buwan.
Makakasama ng tatlo sina Calvin Abueva, Marcelo, JC Intal, RJ Jazul, Justin Chua at matunog na Rookie of the Year na si Jason Perkins sa hangarin ni head coach Louie Alas na maipasok sa Final Four sa wakas ang Phoenix sa papara-ting na 44th Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup sa Enero 13 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
- Latest