Victolero nakatikim na, Compton uhaw pa
MANILA, Philippines — Sa wakas, naasam na ng isa ang hinahangad nitong kampeonato habang ang isa naman ay patuloy na nasadlak sa kawalan nito.
Iyan ang kinahantungan ni Chito Victolero ng Magnolia na nahagkan ang kanyang unang Philippine Basketball Association (PBA) title bilang head coach sa kamay ng hanggang ngayon ay nagkukumahog pa rin na si Alex Compton ng Alaska.
Ito ang unang singsing ni Victolero buhat nang humalili kay Jason Webb noong 2016 habang nahulog sa 0-5 Finals record si Compton simula nang pumalit kay Luigi Trillo noong 2014.
“I don’t know the feeling, but nagtatalon ako,” ani Victolero matapos ang 102-86 tagumpay ng Hotshots upang iuwi ang 2018 PBA Governors’ Cup.
“Iba eh, iba as a coach eh. Nag-champion ako as a player before but you know iba ang feeling ng coach.”
Bago maging coach sa PBA, nagkampeon si Victolero sa National Collegiate Athletic Association (NCAA) bilang manlalaro ng Mapua, sa Metropolitan Basketball Association (MBA) para sa San Juan Knights at sa Philippine Basketball League (PBL) para sa Stag Pale Pilsen.
Naglaro din siya sa PBA para sa Sta. Lucia bilang 13th overall pick noong 2002 at naging coach ng KIA (Columbian ngayon) bago tuluyang magwagi sa PBA sa panig ng Magnolia.
Sa kabilang banda, kung sa wakas ay naabot na ni Victolero ang pangarap na championship sa pinakamatandang pro-league sa Asya, patuloy naman ang paghihirap ni Compton na makamit ang kanyang unang singsing.
“Right now I feel sick to my stomach, but you know, the bottom line is, if you don’t win the championship in the PBA, you lost. So it’s all of us, we lost in the Finals. 11 teams lost to Magnolia, we lost in the Finals. That’s how it works,” aniya.
“I think what’s particularly painful about the Finals loss is that you’re there. It’s that you’re there. It’s always frustrating. You’re there, it’s more painful in a sense.”
- Latest