Win No. 6 kinuha ng Lady Chiefs
MANILA, Philippines – Mabilis na dinispatsa ng nagdedepensang Arellano ang Letran, 25-13, 25-18, 25-15, para manatiling malinis ang rekord sa NCAA Season 94 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ito ang ikaanim na sunod na panalo ng Lady Chiefs para mapatatag ang kapit sa solong pamumuno.
Dalawang panalo na lamang ang kailangan ng Arellano para makuha ang unang silya sa Final Four at tatlong panalo para ma-sweep ang eliminasyon na magbibigay sa kanila ng awtomatikong tiket sa finals.
Naging lider sa pagkakataong ito si Princess Bello na nagsumite ng 13 points, habang nagdagdag naman si Carla Donato ng 12 hits.
Sumuporta sina dating Rookie of the Year Nicole Ebuen at Season 93 Finals MVP Regine Anne Arocha na may tig-walong puntos.
Bumagsak ang Lady Knights sa 1-5 baraha.
Nanguna para sa Letran si Miracle Mendoza na naglista ng walong puntos.
Sa men’s division, nagwagi rin ang Arellano kontra Letran, 25-13, 25-20, 25-15, upang masolo ang ikalawang puwesto sa 5-1 kartada.
Pumalo si Jesrael Liberato ng 11 puntos kasunod ang tig-10 marka nina Christian dela Paz at Jethro Cabillan para sa pagmando ng opensa ng Chiefs.
- Latest