De Guzman pasok sa Top 20
MANILA, Philippines – Nagwagi ang Filipino IM na si Ricky De Guzman laban kay FIDE Master Yoseph Theolifus Taher ng Indonesia para pumasok sa Top 20 ng 7th Asian Continental Chess Championship (2nd Manny Pacquiao Cup) men’s noong Linggo ng gabi sa Tiara Hotel sa Makati City.
Sa panalo, umakyat ang US-based De Guzman sa nine-player logjam sa 18th spot mula sa kanyang apat na puntos, mahigit 1.5 puntos ang agwat mula sa nangungunang sina GM Surya Ganguli ng India at GM M. Amin Tabatabei ng Iran na kapwa tangan ang 5.5 points bawat isa sa kanila.
Kasama naman ni De Guzman sa sosyohan sa 18th spot si Filipino GM John Paul Gomez na nanalo naman kontra sa kababayang si GM Joey Antonio sa seventh round ng nine-round tourney na sinusuportahan nina Sen. Manny Pacquiao, Philippine Sports Commission at NCFP president Butch Pichay.
Makakaharap ni De Guzman si IM Xu Yi ng China, habang si Gomez ay gigil na makalaban si GM Ehsan Ghaem Maghami ng Iran sa 8th round ng event kung saan kailangan nilang manalo upang makapasok sa Top 10.
Sa women’s division, nanalo rin si WGM Janelle Mae Frayna laban sa kababayang FIDE Master na si Allaney Jia Doroy upang buhayin ang pag-asang makapasok sa top 10. Si Frayna ay umangat na rin sa five-player logjam sa 12th spot sa kanyang apat na puntos.
Kailangan ng 22-anyos na si Frayna na manalo kay WFM Dita Karenza ng Indonesia sa 8th round para makisama sa top 10. Ngunit, tiyak ang mainit na laban dahil galing si Karenza sa panalo kay WFM Aashna Makhija ng India.
Ito na rin ang ikalawang sunod na panalo ni Frayna, ang unang WGM ng bansa na sa ngayon ay hinahangad na magiging kaunang Pinay na nakakuha ng men’s GM title. Ang ibang panalo ni Frayna ay kay WFM Aay Aisyah Anisa ng Indonesia sa sixth round.
Nanatili naman sa liderato si IM Ruot Padmini ng India matapos magwagi kay IM Guo Qi ng China para masungkit ang pang-anim na puntos.
Nagsosyo naman sa ikalawang puwesto sina IM Pham Le Thao Nguyen ng Vietnam, WGM Gong Qianyun ng Singapore at WGM Wang Jue ng China sa parehong 5 puntos.
- Latest