Victolero, Compton wala pang napipiling rookie
MANILA, Philippines — Tigil-giyera muna ang Alaska at Magnolia sa PBA Finals dahil kailangan nilang ituon ang atensyon sa 2018 Annual Rookie Draft ngayon sa Robinson’s Place sa Ermita, Maynila.
Hawak ng Aces ang No. 9, habang pipiliin ng Hotshots ang No. 10 overall pick mula sa 47 rookie hopefuls ngayong taon.
Inamin nina Alaska coach Alex Compton at Magnolia mentor Chito Victolero na wala pa silang desisyon kung sino ang kukuning rookie.
“Right now, wala pa kaming decision talaga,” ani Victolero matapos ang malaking 79-78 tagumpay ng Hotshots laban sa Aces sa Game Five kamakalawa ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon kay Victolero, hindi pa napag-uusapan ng coaching staff kahit isang beses ang tungkol sa draft dahil nakatuon ang kanilang atensyon na mawakasan ang apat na taong pagkauhaw sa kampeonato.
“Hindi pa nga namin alam kung wing or big. Hindi pa namin alam ang kailangan ng team,” dagdag ng Magnolia bench tactician.
Ito rin ang sentimyento ni Compton lalo’t hindi pa siya nakaka-move-on sa masakit na one-point loss sa Game Five.
“Honestly, while they have been some discussion, we’re more worried about Magnolia,” ani Compton.
Inaasikaso ng kanyang mga assistant coaches ang mga detalye ng mga rookies.
“The assistants have been working some guys out, preparing video, we got data, talking about team needs, and then we’ll go from there,” wika ni Compton.
Tiwala rin si Compton na solidong manlalaro pa ang makukuha nila sa 9th pick.
“Yes, I think our ninth pick will still be a good pick. We drafted Kevin Racal at 11th while Rome Dela Rosa (who is already in Magnolia now) landed at 13th. Our pick is good,” dagdag niya.
- Latest