Naknak sa officiating
Tinawag ni Alaska Milk coach Alex Compton ang atensyon ng mga referees pagkatapos ng back-to-back losses sa panimula ng PBA Governors’ Cup best-of-seven title playoff.
Nang matalo noong Game Three ay parehong bagay ang ginawa ni Magnolia coach Chito Victolero.
Nadehado raw sila sa tawagan, sabi ng magkatunggaling coaches.
Hinayaan ni PBA commissioner Willie Marcial ang patutsada ng dalawa kahit na feeling niya ay well-officiated so far ang series.
“Kung meron mang sablay, tingin ko sa first half ng Game One pero nakabawi naman ‘yung mga refs sa second half,” ani Marcial.
Pero sa mga susunod na laban, ang gusto ni Pareng Kume ay sa technical committee na dumeretso sa pag-sangguni ang sino mang may reklamo sa officiating.
Magpapataw na raw siya ng sanction sa mag-e-ere ng patutsada sa labas ng PBA office.
“Ni-review namin ‘yun Game Two, hindi ko naman nakita ‘yung mga sinasabi (ni Compton) na mga karate chops. Off-hand maayos din ang nakita kong officiating sa Game Three. Pero ire-review pa rin namin ang game na ‘yon,” ani Marcial.
Maganda ang series kung saan lamang pa rin ang Magnolia, pero nakaratsada na ang Alaska at nakabunot ng malaking 100-71 panalo sa Game Three.
Papangit nga naman ang serye kung bibigyan ng kulay nang sino man tuwing matatalo sa laban.
****
Kung lalagpas ng Game Five ang serye, pahinga sa araw ng Linggo ang nagbabakbakang koponan at tuloy ang laban sa susunod na Miyerkules.
Ito ay sa kadahilanang matagal nang naka-set sa Dec. 16 ang 2018 PBA Rookie Draft. Gipit na sa panahon ang liga dahil sa Jan. 13 ay simula na agad ng susunod na PBA season.
- Latest