Blue Eagles hindi matinag sa solong pangunguna
MANILA, Philippines — Nanatili pa rin sa solo top spot ang nagdedepensang Ateneo Blue Eagles matapos gumanti sa kanilang first round tormentor na Adamson Soaring Falcons, 62-48, sa Season 81 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Mula sa 26-17 bentahe sa first half, biglang umarangkada sina Isaac Go, Matt Nieto at Anton Asistio ng 15-4 run para iposte ang kanilang pinakamalaking bentahe sa 41-21 sa 5:40 minuto sa ikatlong yugto.
Tumapos si Go na may season-high na 12 points kasama ang 6 rebounds at 1 assist, habang si Thirdy Ravena ay umani ng 10 markers, 10 rebounds, 2 steals at 2 blocks upang makabawi sa kanilang 70-74 pagkatalo sa Soaring Falcons sa first round noong Sept. 9.
Kahit natalo ay nanatili pa rin ang Falcons ni coach Franz Pumaren sa solo second spot sa 8-3 kartada.
Sa iba pang laro, bumawi naman ang Far Eastern University Tamaraws sa University of the East Red Warriors, 80-61, para masungkit ang pang-anim na panalo sa 12 laro at manatiling buhay ang asam na Final Four berth.
Nagtala si Arvin Tolentino ng 18 points, 5 rebounds, 2 steals at 1 block para gumanti sa kanilang 65-90 kabiguan sa Red Warriors sa first round noong Sept. 30.
Bukod kay Tolentino, nagdagdag din si Kenn Tuffin ng 17 puntos, 4 rebounds, 1 assist at 1 steal, habang si Barkly Ebona ay nag-poste ng 12 points, 15 rebounds at 1 assist para iangat ang Tamaraws sa pang-apat na puwesto kasama ang UP Fighting Maroons sa pareho nilang 6-6 kartada.
“For us, it’s a new lease on life. It’s our first win sa second round and we’re hoping to get the next games to keep our playoff hopes alive,” ani FEU coach Olsen Racela sa kanilang tsansa sa Final Four.
- Latest