Big game ni Chris para sa Painters
MANILA, Philippines — Sa kanyang posibleng pinakahuling laro bilang PBA player ay ibinuhos nang lahat ni guard Chris Tiu ang kanyang makakaya.
Nagsalpak ang 33-anyos na si Tiu ng career-high na 30 points para tulungan ang sibak nang Rain or Shine na talunin ang NLEX, 107-101, sa huli nilang laro sa 2018 PBA Governor’s Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumipa si Tiu, ang No. 7 overall pick noong 2012 PBA Draft, ng 9-of-22 fieldgoal shooting at 9-of-11 clip sa free throw line para sa pangatlong panalo ng Elasto Painters sa 11 laro.
“I just wanted to end it nicely, end it elegantly. I’m so happy to be a part of the Rain or Shine family,” wika ng dating point guard ng Ateneo De Manila University Blue Eagles sa UAAP.
Nag-ambag si Jewel Ponferrada ng 13 points kasunod ang tig-12 at 10 markers nina Dexter Maiquez at Norbert Torres at rookie Rey Nambatac.
“Maybe he might be retiring. With 30 points, maybe he should not retire,” ani coach Caloy Garcia kay Tiu. “Decision niya ‘yun. This game is for Chris.”
Nalasap naman ng Road Warriors ang ikaanim na kabiguan at maaaring maupo sa No. 7 seat sa eight-team quarterfinal round.
Ang No. 1, 2, 3 at 4 teams ang magbibitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage kontra sa No. 8, 7, 6 at 5 squads, ayon sa pagkakasunod, sa quarterfinals.
Ipinoste ng NLEX ang 16-point lead, 46-30, sa second quarter bago nakabangon ang Rain or Shine, naglaro nang wala sina import Terrence Watson, Beau Belga at Raymond Almazan, para ilista ang 82-74 bentahe sa pagtatapos ng third period.
Ang three-point shot ni Tiu ang nagpalaki sa kalamangan ng Elasto Painters sa 97-78 sa 7:37 minuto ng final canto hanggang maputol ito ng Road Warriors sa dulo ng labanan.
Samantala, pupuntiryahin naman ng nagdedepensang Barangay Ginebra ang No. 1 berth sa quarterfinals sa pakikipagtuos sa TNT Katropa ngayong alas-6:45 ng gabi matapos ang bakbakan ng Phoenix at Blackwater sa alas-4:30 ng hapon sa Big Dome.
- Latest