‘Heart-to-heart’ talk nina Garcia at Almazan
MANILA, Philippines — Maghaharap bukas sina Rain or Shine coach Caloy Garcia at center Raymond Almazan sa isang personal na pagpupulong para mapag-usapan at maplantsa ang anumang gusot ang mayroon sa kanila sa gitna ng kampanya ng koponan sa 2018 PBA Governor’s Cup.
Si Atty. Mamerto Mondragon, ang team governor ng Elasto Painters, mismo ang nagtakda ng paghaharap ng dalawa.
Sa naunang pagpupulong ay idinaing ng 2013 third overall pick na may hindi sila pagkakaunawaan ni Garcia na siyang dahilan ng kanyang pag-AWOL ng higit isang linggo.
Kumpirmasyon ito sa nauna na ring ulat na lumiban si Almazan sa training camp ng Rain or Shine hindi dahil sa family emergency kundi dahil sa sigalot nila ni Garcia.
Kasama rin sa pulong si Danny Espiritu, ang manager ni Almazan.
Magugunitang naging ‘Missing In Action’ si Almazan sa Rain or Shine simula noong Oktubre 3.
Nakaliban na siya sa limang laro ng Elasto Painters na dahilan ng pagsadsad ng koponan sa 2-5 kartada sa season-ending conference.
Sa kabila ng hindi pagkakaunawaan ay ipinangako ni Almazan kay Mondragon na babalik siya sa koponan.
Ang kontrata niya ay hanggang sa Agosto 31, 2019.
- Latest