Murphy pinagmulta
MANILA, Philippines — Hindi nangyari ang hinihingi ni Calvin Abueva ng Phoenix na flagrant foul penalty 2 laban kay San Miguel import Kevin Murphy.
Hindi na binago ng PBA Commissioner’s Office ang itinawag na F1 infraction kay Murphy na sinakal si Abueva sa pamamagitan ng kanyang kanang braso sa 117-100 panalo ng Beermen laban sa Fuel Masters noong nakaraang Biyernes sa MOA Arena sa Pasay City.
Sa kabila nito ay pinagmulta pa rin ni PBA Commissioner Willie Marcial si Murphy ng P5,000, mas mababa sa naunang ipinataw na P10,000 kay Abueva dahil sa pagpapakita nito ng ‘dirty finger’ sa laban ng Phoenix kontra sa NLEX at San Miguel.
“After summoning Abueva and Murphy to hear their sides, the Office of the Commissioner resolved to uphold the FFP1 call of the referees against Murphy,” pahayag ng PBA sa kanilang official statement kahapon.
Bukod kay Murphy, pinagbayad din ng multang tig-P5,000 ang kampo ng Phoenix na kinabibilangan nina coach Louie Alas, Doug Kramer, Willie Wilson, JC Intal, Rey Guevarra, LA Revilla, Jaypee Mendoza, assistant coach Cesar Polhen at team manager Paolo Bugia dahil sa pag-entra sa court nang mangyari ang insidente sa pagitan nina Abueva at Murphy.
Samantala, hindi rin nakaligtas sa multa ng liga sina Blackwater import Henry Walker.
Pinatawan ang dating NBA player ng kabuuang P21,600 na multa dahil sa paghahagis ng mouth guard (P20,000) kay refe-ree Niño Cortez at technical foul (P1,600) sa kanilang laro ng Magnolia.
- Latest