Philippine kiteboarder naka-silver sa YOG
BUENOS AIRES - Isinalba ni Filipino-Norwegian Christian Tio ang kampanya ng Team Philippines matapos magbulsa ng silver medal sa kiteboarding event ng 2018 Youth Olympic Games dito.
Tumapos sa ikalawang puwesto ang 17-anyos na si Tio sa final race ng men’s kiteboarding noong Linggo mula sa ikaapat na posisyon isang araw bago ang kanyang silver performance sa Club Nautico San Isidro.
Nagtabla sina Tio at Toni Vodisek ng Slovenia sa pangalawang puwesto, habang si Deury Corniel ng Dominican Republic ang umangkin sa gold medal nang ipanalo ang tatlo sa anim na karera bago ang final race.
Ilang beses kinansela ang karera dahil sa malakas na hangin.
“My mindset was just to go for it and enjoy,’’ wika ni Tio. “Thank you for everyone who supported me, giving all the love.’’
Dalawang buwang nagsanay si Tio, ang apat na linggo dito ay sa Dominican Republic at ang apat na linggo ay sa Buenos Aires para makondisyon ang kanyang katawan.
“I didn’t suffer from jetlag. I was fully rested after arriving here early,’’ wika ni Tio na sabik nang umuwi sa Pilipinas.
Samantala, natalo naman sina Pinay archer Nicole Marie Tagle at Hendrik Oun ng Estonia sa quarterfinals ng mixed international event mula sa mga kamay nina New Zealand bet Rebecca Jones at Chihchun Tang ng Chinese Taipei, 5-1, sa Parque Sarmiento archery range.
“Medyo mahangin po kanina at naapektuhan nito ang performance ko,’’ ani Tagle, ang 2017 Southeast Asian Games silver medalist sa Kuala Lumpur.
May tsansa pa ang 17-anyos na pambato ng Dumaguete City na makakuha ng medalya sa kanyang pagharap kay Alyssia Tromans-Ansell ng Great Britain sa round of 16 women’s individual recurve bukas.
Sa golf, humataw sina Yuka Saso at Carl Janno Corpus ng five-over 75 para sa 18th place sa mixed team event na pinamunuan nina Atthaya Thitikul at Vanchai Luangnitikul ng Thailand sa final round.
- Latest