Cariño mahihirapan magdepensa sa Le Tour
MANILA, Philippines — Mangangailangan si El Joshua Cariño ng karagdagang lakas sa pagdedepensa ng kanyang titulo sa Le Tour de Filipinas na magdiriwang ng ika-10 taon nito sa pamamagitan ng pagdaraos ng limang araw na karera na lalahukan ng 20-teams na may tig-5 siklista.
Inaprubahan ng International Cycling Union (UCI), ang world-governing body para sa cycling, ang request ng LTdF organizer na Ube Media Inc. na five-stage race mula sa apat na araw na karera para ipagdiwang ang ika-sampung taon ng liga kung saan nahubog ang mga Filipino champions na sina Baler Ravina na kampeon noong 2012 at Mark Galedo na nanalo noong 2014.
Itinakda ng UCI ang 2019 LTdF sa Asia Tour calendar mula February 17 hanggang 21.
Sumama si Cariño, kumakampanya para sa Standard Insurance-Philippine Navy, sa 7-Eleven Roadbike Philippines riders na sina Ravina at Galedo sa LTdF honor roll matapos magkampeon noong nakaraang taon sa pagbabalik ng karera sa Baguio City na dumaan sa mapanganib na Kennon Road.
Babalik ang LTdF sa Bicol para sa 10th kung saan ang Mayon Volcano uli ang magiging backdrop ng karera.
Ang dating Philippine Tour na sinimulan ng Manila-Vigan Race ay naging Tour of Luzon, Tour ng Pilipinas, Marlboro Tour, FedEx Express Tour of Calabarzon, Tour Pilipinas, Golden Tour at Padyak Pinoy.
- Latest