Reid inilaglag ng SMBeer
MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon ay muling inilaglag ng San Miguel si Arizona Reid bilang import.
Ito ay dahil sa malamyang inilalaro ng two-time Best Import sa kasalukuyang 2018 PBA Governor’s Cup kung saan may 2-2 baraha ang mga Beermen, nakalasap ng 102-110 kabiguan sa nagdedepensang Ginebra Gin Kings noong Linggo.
Nauna nang pinauwi ng San Miguel si Reid, dating reinforcement ng Rain or Shine, noong 2016 PBA Governor’s Cup matapos magkaroon ng Achilles tendon injury.
Si Reid ang naghatid sa Beermen sa korona ng season-ending conference noong 2015 matapos walisin ang Alaska Aces sa kanilang championship series.
Sa pag-alis ni Reid ay ibabandera ng San Miguel si dating Utah Jazz Kevin Murphy.
Ang 28-anyos na si Murphy ang second-round pick (47th overall) ng Jazz noong 2012 NBA Draft at naging bahagi ng three-team trade deal na nagdala kay Andre Iguodala sa Golden State Warriors mula sa Denver Nuggets.
Nanatili si Iguodala sa Warriors at binitawan naman si Murphy, nag-laro sa NBA D-League para sa Idaho Stampede.
- Latest