Yulo humakot ng 7-golds sa gymnastics
2018 Batang Pinoy National finals
BAGUIO CITY, Philippines — Humataw ang 10-anyos na si Karl Jahrel Eldrew Yulo ng pitong gintong medalya sa gymnastics habang umani ng tig-apat na ginto at isang silver sina Mikaela Jasmine Mojdeh, Zoe Marie Hilario at Althea Michel Baluyot sa pagtatapos ng swimming event kahapon sa 2018 Batang Pinoy National Finals sa Baguio Aquatic Center dito.
Nakuha ni Yulo ng NCR ang panalo sa floor exercise, vault, pommel horse, parallel bars, horizontal bars, rings, individual all around event ng gymnastics.
“Second time ko na po sa Batang Pinoy pero nga-yon lang po ako nakakuha ng maraming golds. Idol ko po si kuya pero gusto ko siyang talunin minsan,” ayon sa grade 5 student ng Aurora elementary school na kapatid ni national gymnastics team member na si Carlos.
Sa huling araw ng swimming event, namayani ang 12-anyos na si Mojdeh ng Parañaque sa girls 12-year 50-m butterfly (30.57), 400-m IM (5:37.70), 100-m butterfly (1:05.92), 200-m butterfly (2:32.20) at silver sa 200-m breaststroke (2:59.68).
Si Hilario ng Quezon City ay nagwagi sa girls 13-15-year 400-m IM (5:44.26), 200-m breaststroke (2:31.67), 400-m IM (5:44.26), 200-m backstroke (2:31.67) at silver sa 100- backstroke (1:10.28).
Pinagbidahan naman ni Baluyot ng Quezon City ang girls 13-15-year 50-m freestyle (28.70), 200-m butterfly (2:29.12), 100-m freestyle (1:01.16), 100-m butterfly (1:06.98). Ang kanyang silver medal ay mula sa 100-m breaststroke (1:21.57) matapos mabigo kay mary Sophia Manantan ng Puerto Princesa City (1:21.55).
Lahat ng apat na gintong medalya at isang silver na nahakot ng Parañaque sa swimming ay mula kay Mojdeh na isa sa mga awardees sa nakaraang PSC-POC Media Group Siklab Awards na sinusuportahan ng Phoenix Fuel at Philippine Sports Commission.
Bukod sa kanilang tatlo, nag-uwi rin ng tig-apat na ginto sina Mervien Jules Mirandilla ng Lucena, Roshanne Ysabelle Biglete ng Laguna, Roz Ciaralene Encarnacion ng Laguna at tig-tatlo rin sina Markus Johannes De Kam ng Lucena, Francisco Cordero ng Gen. Santos City, Mary Sophia Manantan ng Puerto Princesa, Ken Jordan Lobos ng Lucena at John Marocenel Alagon ng Laguna.
- Latest