Blackwater ayaw pakasiguro
MANILA, Philippines — Bagama’t tinalo ang mga bigating koponan ay hindi nagkukumpiyansa si Blackwater coach Bong Ramos sa pagsagupa sa minamalas na NorthPort.
“Wednesday’s game is very important for us. We need to get that win,” wika ni Ramos sa pagharap ng Elite sa Batang Pier ngayong alas-4:30 ng hapon sa pagbabalik ng mga aksyon sa 2018 PBA Governor’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang pinatumba ng Elite ang TNT Katropang Texters, 104-98 noong Agosto 24 at ang San Miguel Beermen, 103-100 noong Setyembre 5 para ilista ang 2-0 record.
“Marami pa kaming bubunuin. Masyado pang marami, malayo pa,” sabi ni Ramos sa kanyang Blackwater.
Hanap naman ng NorthPort ni mentor Pido Jarencio ang kanilang kauna-unahang panalo sa season-ending conference matapos maisuko ang apat na laro.
“We have to play consistent basketball, offensively and defensively, to beat Blackwater,” wika ni Jarencio, itatapat si import Rashad Woods kay NBA veteran Henry Walker.
Nagtala si Woods ng mga averages na 34.3 points, 8.25 rebounds at 5.65 assists per game.
Nagmula ang Batang Pier, muling babanderahan ni Team Pilipinas guard Stanley Pringle sa 98-104 kabiguan sa nagdedepensang Ginebra Gin Kings noong Setyembre 5.
“We cannot underestimate NorthPort’s standing. Natalo sila sa Ginebra in a very close game,” ani Ramos. “We need to focus on our defense to get the win. Pringle and (Sean) Anthony are a big factor. Plus, their import is slowly adjusting to the game in the PBA.”
Sa ikalawang laro sa alas-7 ng gabi ay magtutuos naman ang Phoenix at Meralco.
- Latest