Tiwala lang kay Yeng -- Cone
MANILA, Philippines — Hindi pa man nagbubunga ngayon ngunit tiwala ang batikang mentor na si Tim Cone na hihitik din sa resulta ang Gilas Pilipinas sa ilalim ni head coach Yeng Guiao pagdating ng panahon.
Ito ay matapos ang dikit na 73-81 kabiguan kontra sa host country na Iran sa pagsisimula ng ikalawang round ng 2019 International Basketball Federation (FIBA) World Cup Asian Qualifiers kamakalawa ng gabi sa Azady Gym sa Tehran.
Nagsilbi bilang analyst sa TV-broadcast team ng ESPN 5, sinabi ni Cone na hindi aniya patas na husgahan agad ang Gilas sa ngayon lalo’t ito pa lang ang una nilang laro simula nang mabuo ang koponan noong nakaraang linggo.
“We want too much instant gratification from this team but this is is not the one game we’re gonna base everything out,” ani Cone na siyang pinakamatagum-pay na coach sa kasaysayan bunsod ng kanyang 21 na titulo sa Philippine Basketball Association (PBA). “You cannot judge this team at this point right now. You have got to have patience with this team and let them develop.”
Sa kabila ng kabiguan at sa kakulangan ng preparasyon, idinagdag din ng Ginebra coach na epek-tibo ang sistema ni Guiao dahil maganda ang nilaro ng koponan maliban nga lang sa mga outside shots na hindi pumasok sa pagkakataong ito.
“We played a really good techical game. We just didn’t make our shots. It was really a well-coached game and the guys really played well together,” dagdag niya.
Ayon pa kay Cone, na siyang national team coach ng Philippine Centennial Team na nagwagi ng bronze medal noong 1998 Asian Games, malaki pa rin ang tsansa ng bansa na makapasok sa World Cup.
Hindi aniya ang pagkatalo sa Iran ang magdidikta noon bagkus ay ang krusyal na laban kontra sa Qatar na dapat ay masungkit ng Gilas.
- Latest