3 Pinoy pugs susuntok ng tiket sa finals
JAKARTA — Sasabak ngayon ang tatlong Pinoy pugs sa semifinal round ng boxing competition sa Jakarta International Expo sa penultimate day ng aksiyon sa 18th Asian Games.
Inaasahang makakapagdagdag sa apat na gold medal ng Pinas sina Eumir Felix Marcial, Carlo Paalam at Rogen Ladon na pare-parehong nakakasiguro ng bronze medal at makakatiyak ng silver kung mananalo sa kanilang laban na magtutulak sa kanila sa gold medal bout bukas.
Bilang unang boxer na pumasok sa semifinals, ang 24-gulang na Olympian na si Ladon, ang 2017 Asian Championships bronze medalist, siya ang unang sasalang sa men’s flyweight 52kgs. kontra kay Yutapong Tongdee sa alas 2:15 ng hapon (3:15 Manila time).
Delikado naman ang 20-gulang na si Paalam sa kanyang alas-4 (5 p.m. Manila time) na lalaban sa men’s light flyweight 49 kgs division dahil makakatapat niya ang local bet na si Amit ng Indonesia.
Huling sasalang si Marcial, ang back-to-back SEA Games gold medalists, sa men’s middleweight 75kgs sa alas-7:45 ng gabi (8:45 p.m. Manila time) kontra kay Israil Madrimov ng Uzbekistan.
Nagtala si Paalam, ang pinakabata sa eighth-member team na lahok ng ABAP, ng 4-1 panalo kontra kay Termirtas Zhussupov, 4-1, ng Kazakhstan sa semis, habang dinispatsa naman ni Marcial si Jinjea Kim ng Korea, 5-0, kamakalawa.
Mas mahaba ang pahinga ni Ladon dahil noong Martes siya huling lumaban nang sibakin niya sa quarterfinals si Azat Mahmetov ng Kazakhstan.
- Latest