Ama inspirasyon ni banal
MANILA, Philippines – Noong nakaraang linggo lang ay mapait na luha ng sakit ang tumulo mula sa mga mata ni Gab Banal matapos atakehin sa puso ang kanyang amang si Joel.
Isang linggo ang nakalipas ay napalitan na iyon ng matamis na luha ng tagumpay makaraang buhatin ni Banal ang Go For Gold sa kampeonato ng 2018 PBA Developmental League Foundation Cup.
Malaking bawi ito para kay Banal na noong Martes lang ay natalo kay Jeff Viernes para sa MVP trophy kasabay ng kabiguan ng Go For Gold sa Che’Lu sa Game Four, 81-88, upang maitulak sa winner-take-all Game Five ang titular showdown.
“When I lost the MVP, I told him I lost the MVP and we lost last game. So I said sorry,” kuwento ni Banal sa kanyang ama na kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Bagama’t nahihirapan pa sa pagsasalita at mahina ang katawan ay hinamon ni Joel ang kanyang anak na si Gab na ipagpag ang kabiguan at ituon na lamang ang atensyon sa krusyal na Game Five.
At katulad ng inaasahan, sinunod niya ang payo ng kanyang ama na nagresulta sa panalo sa Game Five.
Umiskor ng mabilis na 21 puntos si Gab sa first half kung saan tinambakan agad ng Go For Gold ang Che’Lu, 55-40.
At nang humabol ang Revellers sa huling kanto hanggang sa makadikit sa 81-86, si Gab din ang trumangko sa 8-0 pagbalikwas para sa 94-81 abante.
Nagtapos siya na may game-high na 31 points, 6 rebounds at 4 assists upang giyahan ang atake ng Go For Gold na nasikwat ang una nilang kampeonato sa kasaysayan.
Nalimitahan rin niya si Viernes sa 15 puntos.
Hindi man si Banal ang pinarangalang MVP ng liga, siya naman ang MVP ng Go Gor Gold.
At lalong siya ang MVP ng kanyang ama.
“My dad was enough motivation for me. I offer this game for him, I offer our championship for him,” ani Banal.
- Latest