4th leg ng Challenge Race lalarga sa Agosto 12
MANILA, Philippines – Gaganapin ang 4TH leg ng Imported/Local Challenge Race sa Aug 12 sa pista ng Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite na lalahukan ng anim na magagaling na kabayo.
Mangunguna ang kabayong Hitting Spree na pagmamay-ari ng SC Stockfarm at malamang na sasakyan uli ito ng regular jockey na si Kelvin Abobo na siyang nagdala at nagpanalo dito sa nakalipas na 3rd leg Imported / Local Challenge Race na ginanap naman sa pista ng San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Sa nasabing 3rd Leg Challenge Race, maganda ang lundag ng tambalang Hitting Spree at ni KB Abobo paglabas ng aparato kaya’t nakuha agad nito ang harapan. Pagsapit ng unang kurbada ay kinuha ng kabayong Truly Ponti ang bandera kasunod ni Und Kantar, Shoo In at Weemissjerre.
Bandera ng dalawang katawan ang kabayong Truly Ponti hanggang bago sumapit ang far turn bago tuluyang kuhanin ng Hitting Spree ang unahan hanggang sa unti-unting lumayo sa mga kalaban.
Nanalo ang Hitting Spree ng mahigit sa apat na kabayo ang layo sa nasegundo na Truly Ponti at pumangatlo naman ang kabayong Und Kantar.
Nagbigay ng P13.00 sa Forecast ang kumbinasyon 5-2 habang P28.80 naman ang ibinigay sa Trifecta.
Siguradong oustanding favorite na naman ang kabayong Hitting Spree sa darating na 4th Leg Imported/Local Challenge Race na may premyong P300,000 sa mananalo , P112,000 naman sa masesegundo habang P62,500 sa papangatlo at P25,000 naman sa papang-apat.
Susubukan namang makabawi ng kabayong Truly Ponti, Und Kantar at Weemissjerre sa darating na 4th Leg habang ngayon lang susubok ang beteranong kabayo na Hot And Spicy at kabayong Sky Hook sa nasabing malaking pakarera ng PhiLracom.
- Latest