Naka-2 golds na si Lumapas
KUALA LUMPUR, Malaysia – Nakopo ng Calabarzon sprint queen na si Jessel Lumapas ang kanyang ikalawang gintong medalya at ikalima para sa Team Philippines sa 2018 ASEAN School Games nitong Lunes sa Mini-Stadium ng Bukit Jalil.
Nahiritan ni Lumapas, Grade 11 student ng Na-zareth School of National University, ang mga karibal sa girls 200-meter run sa tiyempong 25.03 segundo para tanghaling unang Pinoy double gold winner sa taunang torneo para sa mga student-athletes sa rehiyon.
Nauna niyang nadomina ang 400-m run noong Linggo sa tiyempong 57.46 segundo.
Pumangalawa ang kasangga niyang si Decerie Jane Niala (25.07) kasunod si Nuryanti Erna ng Indonesia (25.25).
Target ng 17-anyos na si Lumapas, pambato ng Dasmariñas City, Cavite ang kanyang ikatlong medalya sa pagsabak sa 4x400m event kahapon ng hapon.
“Tingnan ko lang po. Kakayanin naman namin ng teammates ko. May tiwala naman ako sa kanila,” pahayag ni Lumapas.
Sa pangangasiwa ni coach Fernando Dagasdas, nakapagsanay ng todo si Lumapas para sa kanyang unang sabak sa international competition, at inialay niya ang panalo sa kanyang magulang.
Sa gymnastics event, nasungkit ni Justine Ace de Leon ang silver medal sa boys artistic gymnastics’ vault event sa nakopong iskor na 13.533 puntos, sa likod ni gold medalist Trinh Hai Khang ng Vietnam (13.717).
Nakamit naman ni Althea Descutido ang bronze medal sa clubs event ng girls rhythmic gymnastics.
Tangan ng Team Philippines ang limang ginto, limang silver at 10 bronze medals sa kasalukuyan para sa ika-anim na puwesto.
Nangunguna ang host Malaysia na may 23 ginto, 24 silver at 19 bronze kaunod ang Indonesia (19-17-22), Thailand (12-16-19), Vietnam (12-7-6), at Singapore (6-8-10).
- Latest