Kiamco kampeon sa 10-Ball Challenge
MANILA, Philippines — Tuloy ang pananalasa ng Pinoy cue masters sa Amerika.
Sa pagkakataong ito, naghari si Warren Kiamco sa 2018 West Coast Swing 10-Ball Challenge na ginanap sa Freezer’s Ice House sa Tempre, Arizona.
Inilabas ni Kiamco ang kanyang matikas na porma para pataubin si Omar Al-Shaheen ng Kuwait, 13-5 sa championship round.
Mainit ang simula ni Kiamco nang magtala ito ng sunud-sunod na panalo laban kina John Hall sa first round (8-2), Aaron Morgan sa second round (8-0), Alex Pagulayan sa third round (8-3), Corey Deuel sa fourth round (8-6) at Dennis Orcollo sa fifth round (8-4).
Naputol ang winning run ni Kiamco nang lumasap ito ng 5-8 kabiguan kay Al-Shaheen sa sixth round dahilan upang mahulog ang Pinoy bet sa losers’ bracket ng torneong nagpatupad ng double-elimination format.
Hindi nawalan ng pag-asa si Kiamco matapos igupo sina Orcollo (8-6), Max Eberle (8-5) at Shane McMinn (8-5) para maisaayos ang mu-ling pakikipagtipan kay Al-Shaheen sa finals.
Armado ng determinasyon at inspirasyong makaresbak, agad na inilatag ni Kiamco ang husay nito gamit ang malalakas na breaks para dominahin ang kabuuan ng laban.
Napasakamay ni Kiamco ang $6,500 premyo samantalang nagkamit naman si Al-Shaheen ng $4,000 konsolasyon.
Pumang-apat lamang si Orcollo para masiguro ang $1,500.
Nasikwat ni Kiamco ang kanyang ikalawang titulo sa taong ito matapos mamayagpag sa 2018 Andy Mercer Memorial 9-Ball Tournament sa Las Vegas, Nevada noong Marso.
- Latest