Petron, F2 Logistics tangka ang win No. 3
MANILA, Philippines — Kapwa hangad ng title contenders Petron Blaze Spikers at F2 Logistics Cargo Movers ang ikatlong sunod na panalo sa kanilang magkahiwalay na laban ngayon sa pagpapatuloy ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga Invitational Conference sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Tangan ang 2-0 win-loss kartada, haharapin ng Blaze Spikers ang Generika-Ayala Lifesavers (2-1) sa alas-4:15 ng hapon habang itataya naman ng Cargo Movers ang kanilang 2-0 slate kontra sa University of the Philippines-United Auctioneers Lady Fighting Maroons sa alas-7 ng gabi.
Matapos naman sa dalawang sunod na panalo, muling magpapasiklab ang Philippine national wo-men’s team sa pagharap sa Smart-Army Giga Hitters sa alas-2 ng hapon.
Magaang pinadapa ng national team ni coach Shaq De Los Santos ang Cocolife Asset Managers, 25-13, 25-17, 25-11 noong Sabado kung saan umiskor si Jaja Santiago ng 17 puntos at 12 naman kay Dindin Santiago-Manabat.
Ang una nilang panalo ay sinundan nila agad ng 25-21, 25-15, 25-21 tagumpay sa Cignal HD sa pa-ngunguna nina Aby Maraño at reserve Mar Jana Phi-lips sa kanilang tig-17 puntos noong Martes.
Inaasahan naman ang magandang laban sa pagitan ng Blaze Spikers nina Mika Reyes, Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina at ng Lifesavers nina Ross Hingpit, Angeli Araneta, Mikaela Lopez at Marivic Meneses.
Ang unang panalo ng Blaze Spikers ay sa Foton Tornadoes, 27-25, 25-19, 22-25, 25-17 noong Hulyo 3 at sinundan ng magaang panalo laban sa UP-UAI Fighting Maroons, 25-9, 25-16, 25-17, noong Hulyo 7.
Malakas din ang tiwala ng Lifesavers na isang beses pa lamang natatalo sa tatlong laro. Ang tanging talo pa lamang ng Lifesavers ni coach Sherwin Meneses ay sa mga kamay ng F2 Logistics, 20-25, 16-25, 20-25, noong Hulyo 5.
- Latest