Pang-4 import na ng Magnolia
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Magnolia ang kanilang ikaapat na import sa pagbabalik ng 2018 PBA Commissioner’s Cup sa Hulyo 4.
Sa layuning palakasin ang kanilang tsansang makapasok sa eight-team quarterfinal round ay tinapik ni Hotshots head coach Chito Victolero si reinforcement Wayne Chism.
“It’s gonna be very different. I got to get used to everybody, the coaches and the players,” wika ni Chism, muling makakasama si combo guard Paul Lee na kanyang nakatambal habang nagla-laro sa Elasto Painters.
Ang No 1 at No. 2 teams ang makakakuha ng ‘twice-to-beat’ incentive sa quarterfinals sa pagsagupa sa No. 8 at 7 squads, ayon sa pagkakasunod habang maglalaban sa best-of-three series ang No. 3 laban sa No. 6 at No. 4 kontra sa No. 5.
Ang Rain or Shine ang nagbulsa ng No. 1 seat at ang unang ‘twice-to-beat’ advantage sa likod ng kanilang 9-1 baraha.
Tangan ng Magnolia ang 4-5 record at nakatakdang harapin ang NLEX, pinagmulan ni Chism, sa Hulyo 4 at ang nagdedepensang San Miguel sa pagsasara ng eliminasyon sa Hulyo 7.
Ang 6-foot-8 na si Chism ang magiging ikaapat na import ng Hotshots matapos sina Vernon Macklin, Curtis Kelly at Justin Jackson.
“He was very good, a nice guy,” sabi ni Victolero kay Jackson. “But we just need a more experience guy going into our last two games.”
Pansamantalang hihinto ang mga aksyon ng torneo dahil sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa third window ng 2019 FIBA World Cup Asian Qualifiers laban sa Chinese-Taipei sa Hunyo 29 sa Taiwan at kontra sa Australia sa Hulyo 2 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
“It will be awesome though so I’ll try my best to get Magnolia to the Finals,” sabi ni Chism sa paglalaro niya para sa Hotshots.
- Latest