Sangalang babalik na sa Magnolia Hotshots
MANILA, Philippines — Parating na ang tulong para sa nagkukumahog na Magnolia squad sa katauhan ng big man na si Ian Sangalang na nakatakdang magbalik sa susunod na laro sa Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup.
Mismong ang 6’7 na si Sangalang ang nagkumpirma ng kanyang pagbabalik sa kampo ng Hotshots matapos ang isang buwang pagkawala.
“Next game babalik na ako. Sure na sa next game,” ani Sangalang na nakasuot ng brace sa kanyang kanang kamay matapos ang 84-104 kabiguan kontra sa karibal na Ginebra kamakalawa ng gabi.
Huling naglaro si Sangalang noong Mayo 18 kontra sa Meralco kung saan nadisgrasya ang kanyang kanang pulso.
Sa kabutihang palad, aligned fracture ang nangyari kaya’t hindi na kailangang operahan bagama’t nagdaan siya sa mahigit na isang buwang therapy.
Kasalukuyan na siyang tumatakbo sa ensayo ng Magnolia ngunit nakatakda palang sumali sa full-contact, 5-on-5 drills ng koponan sa Biyernes kung saan matatanggal na sa wakas ang kanyang brace.
Buhat nang mawala si Sangalang na nagrerehistro ng 13.0 puntos at 5.5 rebounds ngayong mid-season conference ay lumagapak sa sunud-sunod na kabiguan ang Hotshots.
Nabigo sila ng apat na beses sa huling limang laban upang mahulog sa ikapitong puwesto hawak ang 4-5 kartada ngunit para kay Sangalang, hindi naman ang kanyang pagkawala ang pinakamalaking dahilan kundi ang makailang ulit na pagpapalit nila ng import.
Makakasama niya sa pagbabalik niya ang steady import nila ngayon na si Justin Jackson para sa hu-ling ratsada ng Magnolia na makaselyo ng quarterfinals spot.
- Latest