Gazz Angels sinunog ang Warays
MANILA, Philippines — Full tank ang Petro Gazz nang mabilis na pataubin ang Tacloban, 25-15, 25-17, 25-21, para sa kanilang unang panalo sa quarterfinals ng Premier Volleyball League Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Sa kabila ng malamig na panahon, nag-init nang husto si Ukrainian import Olena Lymareva-Flink nang humataw ng 22 puntos mula sa 15 attacks, anim na aces at isang block para dalhin ang Gazz Angels sa 1-1 rekord.
Maalab din ang palad ni Anastasiia Trach na nagdagdag ng 11 puntos at umiskor ng pinagsamang 14 puntos sina middle blockers Alyssa Layug at Cherry Rose Nunag para sa Gazz Angels laban sa Fighting Warays.
Nanganganib na masibak ang wala pa ring panalong Tacloban na lumasap ng ikalawang sunod na kabiguan.
Tanging si Thai import Hyapha Amporn ang nagtala ng double digits sa hanay ng Fighting Warays nang makalikom ng 16 marka.
Nalimitahan sa pito si Jovielyn Prado at lima si Thai import Saengmuang Patcharee.
Sa men’s division, pinasuko naman ng Air Force ang Army, 25-23, 25-17, 27-29, 25-20.
- Latest