Dela Cruz mag-iiwan ng marka sa Alaska
MANILA, Philippines — Habambuhay ng mananahan ang legacy ni Tony Dela Cruz sa maalamat na Alaska franchisematapos i-retiro ng Aces ang kanyang #35 jersey kamakalawa ng gabi sa naganap na laban ng Alaska kontra sa karibal na Magnolia sa pagpapatuloy ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Smart-Araneta Coliseum.
“I was super emotional. It was really moving,” anang 39-anyos na si Dela Cruz na nagretiro na sa PBA noong nakaraang taon matapos ang halos dalawang dekadang paglalaro.
Pinangunahan ni Alaska team owner Wilfred Uytengsu ang jersey retirement ceremony ni Dela Cruz kasama ang current players ng Alaska.
Nagbigay din ng ispesyal na mensahe ang mga dating teammates ni Dela Cruz sa Shell na sina Chris Jackson, Rich Alvarez, Rob Wainwright at team go-vernor na si Bobby Kanapi sa isang video tribute.
Magugunitang noong 1999 ay pumasok ang tubong California na si Dela Cruz sa PBA bilang direct hire ng Turbo Chargers.
Naglaro siya para sa Shell hanggang sa mabuwag ang koponan noong 2006 na siyang nagbigay daan sa pagpunta niya sa Alaska kung saan naglaro siya ng 11 na taon.
Sa 18 taong paglalaro sa PBA, isa sa mga bagay na hindi malilimutan ni Dela Cruz ay ang hindi pagkakaroon ng maski isang technical foul – na siyang patunay na isa siya sa pinakamabait na manlalaro sa kasaysayan ng PBA.
Kinatampukan ang makulay na 18-year PBA career ni Dela Cruz ng tatlong PBA Championships, isang mythical second team selection at apat na all-star appearances. Kabilang din siya sa elite 5, 000-point club ng PBA.
Bago si Dela Cruz ay iniretiro rin ng Alaska ang mga jersey nina Johnny Abarrientos, Bong Hawkins, Jojo Lastimosa, Jeff Cariaso, Sean Chambers, Bogs Adornado at Eric Menk.
Ngayon ay nagsisilbing assistant coach si Dela Cruz sa Alaska na inamin niyang panibagong hamon sa kanyang post-playing career.
- Latest