Cariño Le Tour champion
MANILA, Philippines — Si El Joshua Cariño ng Philippine Navy– Standard Insurance ang nanatiling matibay at nakatayo sa dulo ng 640 kilometrong karera upang iuwi ang kampeonato ng prestihiyosong 9th Le Tour de Filipinas na nagtapos sa Burnham Park, Baguio City kahapon.
Bagama’t nagtapos lamang na ikatlong puwesto sa ikaapat at huling stage ng karerang sanctioned ng International Cycling Union (UCI), sumapat ang nalikom niyang bentahe sa unang tatlong stages upang masiguro ang kanyang kauna-unahang major tour championship.
Pinedal ng 25-anyos na si Cariño ang 154.65kl. lap mula Lingayen, Pangasinan sa loob ng apat na oras, pitong minuto at 52 na segundo upang pumangatlo sa likod ni Stage 4 winner Myetkel Eyob at runner-up na si Drew Morey ng Terrenganu Team na may oras na 4:05:52 at 4:07:14, ayon sa pagkakasunod.
Ngunit sapat pa rin ito upang manguna sa individual general classification matapos magtala ng aggregate time na 12:25:13 na mas mabilis lamang ng 40 segundo sa karibal na si Eyob (12:25:53).
“Hindi ako makapaniwala. Parang hindi ako ito. Hindi ako makapaniwala na ako talaga ‘yung nanalo,” ani Cariño, tubong Villasis, Pangasinan.
“Dati, nanonood lang ako sa mga foreigners at Pinoy doon sa Kennon Road. Ngayon, ako na ‘yung pinapanood ng mga siklista.”
Bunsod ng kanyang panalo, tanging si Cariño pa lamang ang ikatlong Pilipino na nagwagi sa siyam na edisyon ng Le Tour na co-presented ng Air21, Cignal at Cargohaus Inc., kasunod nina Baler Ravina noong 2012 at Mark Galledo noong 2014.
Bukod sa korona ng Le Tour, si Cariño rin ang tinanghal na Best Filipinas rider at Best Sprinter upang mag-uwi ng humigit kumulang P160,000 na pabuya.
Matapos naman ang kanyang kampeonato sa Ronda Pilipinas nito lamang nakaraang Marso, pumangatlo naman nga-yon sa Le Tour si Ronald Oranza (12:27:49) mula rin sa Philippine Navy.
Kinapos naman sa podium finish ang batikang siklista na si Jan Paul Morales (12:28:09) matapos magkasya sa ikaapat na puwesto lamang ngunit sumapat pa rin upang matulungan ang koponang Navy na magkampeon sa team general classification sa pinagsama-samang oras na 37:21:41.
Sumegunda ang koponan ng 7/11-Cliqq Roadbike Philippines matapos silang makalikom ng kabuuang oras na 37:29:37.
- Latest