Le Tour lalarga na bukas
MANILA, Philippines – Mag-uumpisa na bukas ang 2018 Le Tour de Filipinas mula sa EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) at dadaan sa iba’t ibang malalaking kalsada ng Metro Manila.
Mula sa Liwasang Aurora sa loob ng Quezon Memorial Circle sa Quezon City, pepedal ang 17 koponan na binubuo ng 85 siklista sa Elliptical Road at Quezon Avenue bago dumaan sa Edsa patungong Monumento sa Caloocan City.
Para hindi masyadong maabala ang mga riders, tutulong ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa pamumuno ni Chairman Danilo D. Lim sa pag-kontrol sa traffic sa mga dadaanan ng mahigit 30 Filipino riders at 50 foreign cyclists.
Ang unang stage ay 157.50-km race patungong Palayan City, Nueva Ecija.
“Edsa is historic in many ways, but with the traffic conditions on the highway, especially at rush hour—and the concerns over clean air—it would be a milestone for the Le Tour de Filipinas to expand its advocacy on the major thoroughfare,” sabi ni Alberto Lina, ang PhilCycling chairman at Godfather ng Philippine cycling.
Inaasahan din ang mainit na pagsalubong sa mga mahilig sa cycling sa pagdating sa Palayan City sa pangunguna ni Mayor Adrianne Mae Cuevas.
Sa stage 2 naman sa Lunes, ang mga siklesta ay pepedal patungong Cabanatuan hanggang sa Bayombong, Nueva Vizcaya na may kahabaan na mahigit 157.90 kms kabilang na ang paakyat sa Dalton Pass.
Ang pinakamahabang ruta ay ang stage 3 sa Martes na aabot sa mahigit 185.20 kms mula Bambang, Nueva Vizcaya hanggang sa Lingayen, Pangasinan at susunod naman ang Stage 4 mula sa Lingayen hanggang sa Baguio City via Kennon Road na aabot ng kabuuang 154.65 kms.
Umabot sa mahigit 17 teams ang kasali sa taong ito, kabilang na ang 11 foreign teams at anim na locals na kinabibilangan ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines, Team CCN Philippines, Go For Gold, Philippine National Team, Bike Extreme Philippines, Standard Insu-rance-Navy, Terrenganu Cycling Team (Malaysia), Pishgaman Cycling Team (Iran), Nice Devo Cycling Team (Mongolia), Interpro Stradalli Cycling Team (Japan), Oliver’s Real Food Racing (Australia), Korail Cycling Team (South Korea), Team Sapura Cycling Team (Malaysia), Ningxia Sports Lottery Livall Cycling Team (China), KFC Cycling Team (Indonesia), Uijeongbu Cycling Team (South Korea) at Forca Amskins Racing (Malaysia).
- Latest