Biado-De Luna tandem pasok sa second round ng World Cup
MANILA, Philippines – Umusad ang tambalan nina Carlo Biado at Jeffrey De Luna sa second round ng prestihiyosong 2018 World Cup of Pool na ginaganap sa Luwan Arena sa Shanghai, China.
Naitala ng No. 4 Pinoy duo ang impresibong 7-3 panalo laban kina Matt Edwards at Marco Teutscher ng New Zealand sa opening round kahapon para magarbong simulan ang kanilang kampanya sa nasabing torneo.
Kaagad na inilabas ng reigning World 9-Ball champion na si Biado ang kanyang husay kasabay ng malulupit na breaks ni De Luna para kunin ang 5-1 bentahe sa laro.
Ito ang naging matikas na pundasyon nina Biado at De Luna para masiguro ang kanilang tiket sa second round ng torneong may basbas ng World Pool-Billiard Association at naglaan ng $250,000 kabuuang papremyo kabilang ang $60,000 para sa kampeon at $30,000 naman sa runner-up.
Titipanin nina Biado at De Luna sa susunod na yugto ang mananaig sa bakbakan nina Imran Majid at Mark Gray ng England at Ryu Seung Woo at Jeong Young-Hwa ng South Korea.
Mainit ding sinimulan nina top picks at defending champions Mario He at Albin Ouschan ng Austria ang kanilang kampanya matapos igupo sina Alejandro Carvajal at Enrique Rojas ng Chile, 7-3, gayundin sina Ralf Souquet at Joshua Filler ng Germany na blinangko sina Arun Arun at Feri Satriyadi ng Indonesia, 7-0.
- Latest