Simula na ang laban ng Pocari Sweat
MANILA, Philippines – Uumpisahan ng nagdedepensang Pocari Sweat ang asam na back-to-back title sa paghaharap sa PayMaya habang hangad din ng Creamline ang ikalawang sunod na panalo sa pakikipagtagpo sa Banko-Perlas ngayon sa pagdayo ng 2018 Premier Volleyball League Season 2 Reinforced Conference sa People’s Gym sa Tuguegarao City.
Inaasahang hahataw si Myla Pablo para sa Pocari-Air Force kontra sa PayMaya nina Grethcel Soltones at Jasmine Nabor sa alas-2 ng hapon at tiyak na pangungunahan ni Alyssa Valdez ang Creamline Cool Smashers sa pagharap sa Banko-Perlas nina Dzi Gervacio at Suzanne Roces.
Ito ang una sa dalawang araw na paglalaro ng PVL sa Tuguegarao kung saan haharapin naman bukas ng Pocari-Air Force ang Banko-Perlas sa alas-2 ng hapon at magtatagpo naman ang Creamline at PayMaya sa alas-4 sa parehong venue.
Sinabi ni PVL head Ricky Palou na idinaraos ang dalawang araw na laro sa Tuguegarao City para makita sa personal ng mga taga-sunod ng liga ang kanilang mga paboritong manlalaro na dati ay sa TV lamang nila napapanood.
Nanatiling malakas pa rin ang Pocari Lady Warriors kahit nawala sa lineup ang ilang players kabilang na si libero Melissa Gohing na lumipat sa Creamline. Bukod kay Pablo, sasandal si coach Jasper Jimenez sa dalawang Amerikanong imports na sina Maddie Palmer at Arielle Love.
Kasama rin sa Lady Warriors sina Jeanette Panaga, Iari Yongco, Cesca Racraquin, Ann Pantino, Mae Antipuesto at Elaine Kasilag kaya tiyak ang mainit na laban kontra sa High Flyers.
Sa iba pang laro, itatapat naman ni coach Ariel de la Cruz ng Perlas Spikers sina imports Kia Bright ng US at Jutarat Montripila ng Thailand at mga locals na sina Ryssabel Devanadera, Mae Tajima, Gizelle Tan, Amanda Villanueva, Joy Dacoron, Amy Ahomiro, Nicole Tiamzon at Risha Emnas kontra sa Creamline ni Alyssa Valdez.
Parehong hangad ng Creamline at PayMaya ang panalo sa magkahiwalay na laban para manatili sa liderato.
Tinalo ng Cool Smashers ang Petro Gazz, 25-18, 25-16, 25-13 habang nagwagi rin ang PayMaya High Flyers, 25-8, 33-31, 25-20, kontra sa Tacloban Fighting Warays noong Mayo 6.
- Latest