Giriang Guiao at Newsome
MANILA, Philippines – Hindi nagustuhan ni Coach Yeng Guiao ang para sa kanya’y wala nang bilang na garbage basket ni Chris Newsome sa dulo ng 90-106 kabiguan ng NLEX kontra sa sister team na Meralco kamakalawa ng gabi sa pagpapatuloy ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa huling 1.6 segundo ng laban kung saan pinal na iskor na lamang ang inaantay pabor sa Bolts, nagbuslo pa ang Meralco guard na si Newsome ng isang jumper – bagay aniya na hindi na kailangan pa ayon kay Guiao.
Ito ang dahilan ng pagkompronta ni Guiao kay Newsome sa end game handshake at kinailangan pang paghiwalayin ng magkabilang panig upang humupa ang tension.
Para sa batikang mentor na si Guiao, kawalan ito ng respeto.
Ito ay sa kabila ng kaalaman ng parehong koponan na anumang dagdag na iskor ay mahalaga lalo’t may quotient system ang PBA kung sakaling magkatabla-tabla ang mga koponan sa dulo ng eliminasyon papasok ng playoffs.
“You know, it’s still a disrespect pero sa akin naman was totally unne-cessary at that point,” pagtukoy ni Guiao sa huling tira ni Newsome na wala nang factor pa sa laro dahil naibulsa na ng Meralco ang panalo.
Iyon ang ika-30 puntos ni Newsome sa laro kasahog pa ang pitong rebounds upang giyahan ang balanseng atake ng Meralco.
“Alam ko naman may quotient pero that’s more than enough quotient for them,” diin ni Guiao. “At the same time, I did not expect it from Newsome. I knew he was kind of a good guy whose going to probably understand the situation like that.”
Sa kabilang panig, itinanggi ni Newsome na kawalan ng respeto ang kaniyang ginawa. Ayon sa kanya, nagpatuloy lamang siya sa paglalaro ng basketball hangga’t hindi pa nauubos ang oras na siya namang ayon sa pa-nuntunan ng laro at ang mas mahalaga, ay para sa mas mataas na quotient ng Meralco.
“I don’t really know what happened, I’m just playing basketball and I’m just following orders from my head coach. That’s all I can say about that one,” aniya. “As far as I know it’s the quotient rule and like I said I’m just following orders.”
Dumepensa rin ang Meralco head coach na si Norman Black sa kanyang manlalaro na si Newsome sa pagdiing kailangan nilang makasiguro ng mas mataas na quotient.
“The rules are we play with a quotient.We’ll just play by the rules, if the rules says that you have to win via quotient at the event of a tie, then we’ll try to score as much as we can.”
Alam din aniya ni Black ang unspoken rule sa basketball na pag-respeto sa kalaban sa pamamagitan ng hindi na pag-shoot pa at pagpataas ng score lalo’t kung sigurado na ang panalo ngunit hindi ito aniya maaari sa quotient system.
Bunsod ng maugong na kabiguan, nasadsad sa masaklap na 0-3 kartada ang NLEX habang umangat naman sa 2-1 ang Meralco.
- Latest