Petron lumapit sa Finals seat
MANILA, Philippines — Binigyan ng Petron Blaze ng magandang pagtanggap ang bagong import na si Katherine Bell sa pamamagitan ng 25-18, 23-25, 25-16, 25-23 panalo sa Cocolife sa Game One ng kanilang best-of-three semifinals series sa 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Grand Prix kahapon sa FilOil Flying V Center sa San Juan City.
Umiskor ang 6-foot-1 spiker na si Bell ng 28 points, kabilang na ang 26 atake at 2 blocks para sa Blaze Spikers na hangad tapusin ang pag-asa ng Asset Managers sa Game Two bukas.
Mula sa hataw ng dating University of Texas standout ay nakuha ng Petron ang 7-6 bentahe mula sa 1-4 agwat sa fourth set.
Sa tulong naman ni Lindsay Stalzer ay nakuha ng Blaze Spikers ang 20-15 abante patungo sa panalo na umabot lamang ng mahigit isang oras at 51 minuto.
Matapos makuha ang first set, 25-23, biglang nanlamig ang depensa ng Petron kaya nagkaroon ng pagkakataon sina Serbian imports Sara Klisura at Marta Drpa na agawin ang second set para sa Cocolife.
Ngunit iyon na rin ang kanilang huling hirit ng Asset Managers dahil bumalik ang sigla nina Mika Reyes, Aiza Maizon-Pontillas, Rhea Dimaculangan at Chloe Cortez para sa Blaze Spikers.
- Latest