PBA legends game nakaka-excite
Madami kaagad ang nagpahayag ng excitement nang tuluyang maikasa ang legends classic na ihahatid ng Samahan ng mga Dating Propesyonal na Basketbolista sa Pilipinas sa tulong ng Philippine Basketball Association.
Marami ang natuwa at maraming iba pang ideya ang lumabas sa mithiing makalikom ng pondo para maipantulong sa mga dating PBA players na dumaraan sa kahirapan sa kasalukuyan.
“Maraming dating stars na gusto ding sumali, pero di makakasali dahil hindi sila naglaro sa apat na featured teams sa reunion games nila. Sana may isunod silang event na puwedeng lumaro ang lahat ng willing tumulong for a good cause,” sabi ng isang legend.
Hindi masasali ang legend na ito dahil hindi siya nakalaro sa Alaska Milk, Barangay Ginebra, Purefoods at San Miguel Beer.
Nakatakda sa Sept. 9 o 16 ang legends double-header sa pagitan ng Alaska Milk at San Miguel Beer at Barangay Ginebra vs Purefoods (Magnolia).
Kung may susunod na event, suhestyon ng aking kaibigan na paglabanin ang 40 PBA greatest players.
“Puwede rin short tournament among legends. Mag-list up ang gustong lumaro pagkatapos idaan sa drafting ang paghahati ng players. We play a short tourney with the proceeds going to the foundation,” ani legend.
“Sigurado kasi ako meron magtatampo diyan dahil hindi makakasali sa Alaska-San Miguel, Ginebra-Purefoods reunion game,” dagdag pa niya.
Ang aking suhestyon ay makipagpalitan sila ng kuro-kuro sa kanilang mga kasamahan at puwedeng mag-isip ng iba pang gimik para sa susunod na event.
Sigurado naman na hindi isang fund-raising event lang ang plano ng SDPBP na pinamumunuan ni Atoy Co bilang president.
Opisyales din si Philip Cezar (vice president), Ed Cordero (secretary) at Allan Caidic (treasurer).
- Latest