Zark’s-Lyceum lumalaban
MANILA, Philippines – Patuloy ang ‘Cinderella run’ ng Zark’s Burgers-Lyceum matapos silatin ang segundang Marinerong Pilipino sa kanilang maka-pigil-hiningang 90-87 comeback overtime win kahapon sa Game One ng 2018 Philippine Basketball Association (PBA) Developmental League Aspirants’ Cup semifinals sa Pasig Sports Center.
Sumaklolo para sa Zark’s Burgers ang Ca-meroonian import na si Mike Nzeusseu matapos isalpak ang panigurong dakdak sa huling 5-segundo upang tuldukan ang isa na namang comeback win ng koponan na naiwan pa ng hanggang sa 16 puntos sa kalagitnaan ng laban.
Bago iyon, siya rin ang sumupalpal kay Gab Banal sa huling 12 segundo upang mapreserba ang kanilang 88-87 na kalamangan.
Nakasilip pa ng pag-asa ang Skippers sa mga natitirang segundo ngunit sablay ang panabla sanang tres ni Joseph Tersona kasabay ng pagtunog ng final buzzer.
Sa katunayan, sa regulation pa lang kung saan tabla ang laban sa 81-81 ay may tsansa na sanang manalo agad ang Jawbreakers ngunit sablay ang dalawang free throws ni CJ Perez sa huling 3.2 upang mapunta ang laban sa overtime.
Bunsod nito, sinikwat na ng Jawbreakers ang tatlong sunod na panalo nito sa playoffs at ang mas mahalagang 1-0 abante sa best-of-three semis series nila ng Skippers.
Magugunitang sa quarterfinals nito lamang nakaraang linggo ay kumolekta ng dalawang do-or-die na tagumpay ang ikaanim na ranggong Zark’s upang tuluyang mabura ang twice-to-beat na bentahe ng Centro Escolar University at makaabante sa semis.
Bumira ng 20 puntos, siyam na rebounds at dalawang tapal si Nzeusseu para trangkuhan ang atake ng Jawbreakers. May 20 puntos din si JC Marcelino habang may 15 at 14 puntos naman sina Wilson Baltazar at CJ Perez para sa Cinde-rella team na Zark’s.
Sa kabilang banda, napatid naman ang walong sunod na tagumpay na naipon ng Marinerong Pilipino bago ang playoffs sa kabila ng 22 puntos ni Rian Ayonayon gayundin ang 18 puntos at siyam na rebounds ni Banal.
May tsansang maipagpatuloy ng Jawbreakers ang Cinderella run nito hanggang sa Finals kung makakaiskor muli ng panalo sa Game 2 kontra sa sigurado namang maghihiganting Skippers.
Samantala, sa ikalawang laro ay ginulantang din ng Che’Lu Bar and Grill-San Sebastian ang top seed na Akari-Adamson, 70-60 upang makuha ang 1-0 abante sa kanilang sariling best-of-three semis series. (AD)
- Latest