Joven nanguna sa Stage 3
TUGUEGARAO CITY, Philippines — Bago pakawalan ang Stage Three ay nagbiro si Cris Joven ng Army-Bicycology sa mga photographers
“Sinabi ko na sa mga photographers bago ang stage three na kuhanannila ako ng magandang litrato sa finish line,” sabi ni Joven.
Tinotohanan ito ng 30-anyos na tubong Tobaco, Albay matapos angkinin ang 223.5 Stage Three ng Ronda Pilipinas 2018 na inihahandog ng LBC na sinimulan sa Pagudpud at nagtapos sa Provincial Capitol dito kahapon.
Inungusan ni Joven sina Ronnilan Quita ng Go for Gold Developmental team at Leonel Dimaano ng Team Franzia para sa kanyang lap win sa tiyempong limang oras, 39 minuto at 45 segundo.
Tumapos sina Quita at Dimaano bilang second at third placers, ayon sa pagkakasunod, sa magkakatulad nilang oras ni Joven.
Mula sa No. 23 ay umakyat si Joven sa No. 7 overall sa kanyang aggregate time na 10:32:53.
Sa kabila naman ng pagtatapos sa No. 13 sa kanyang oras na 5:40:28 ay napanatili pa rin ni Ronald Oranza ng Navy Standard Insurance ang paghawak sa overall individual solo lead.
Nagsumite si Oranza ng total time na 10:25:39 o limang minuto ang layo kay Navyman Archie Cardana.
Muling isusuot ni Oranza ang red LBC leader’s jersey sa pagpadyak ngayon ng 135.2km Tuguegarao-Isabela Stage Four, na dadaan sa Isabele sa Cabagan, Tamuini, Ilagan City, Kabugao at Alicia at magtatapos sa Echague Municipal Hall.
Natulungan din ni Oranza si defending back-to-back champion at Navy skipper Jan Paul Morales na makabalik sa kontensyon. Buhat sa pagiging No. 9 sa Stage Two ay tumaas ang 32-anyos na si Morales sa No. 3 mula sa kanyang oras na 10:31:01.
Tumersera naman si Dimaano (10:32:21) kasunod sina Go for Gold Developmental Team bet Jay Lampawog (10:32:34) at Quita (10:32:52).
- Latest