Sulaiman pumanaw na
MANILA, Philippines — Sa edad na 75-anyos ay pumanaw si track and field legend Mona Sulaiman noong Huwebes ng gabi sa East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Tiniyak kahapon ni Philippine Sports Commission chairman William ‘Butch’ Ramirez ang pag-aasikaso sa naiwang pamilya ni Sulaiman pati na ang gagawing pagpapalibing sa Asian sprint legend.
“We will take care of her hanggang sa paglilibing sa kanya,” wika ni Ramirez. “We will take care of these athletes who have brought honor to our country.”
Noong nakaraang taon ay iniluklok si Sulaiman sa Philippine Sports Hall of Fame.
“Itong Philippine Sports Hall of Fame Museum natin sa Rizal Memorial Sports Complex ay ililipat natin sa harapan para makita ng mga kabataan ang mga sports heroes natin at hindi nakatago lang sa likod,” ani Ramirez.
Sa kanyang kapanahunan ay komopo si Sulaiman ng tatlong gintong medalya sa women’s 100m, 200m at relay events at sumikwat ng tansong medalya sa shot put noong 1962 Asian Games sa Jakarta, Indonesia.
Sumabak din ang Pinay pride sa Olympic Games noong 1960 at 1964 sa Rome at Tokyo, ayon sa pagkakasunod. Sa Tokyo Olympics ay nakapasok si Sulaiman sa quarterfinals ng 100m run.
Nakuwestiyon ang seksuwalidad ng tubong Cotabato City nang tumangging sumailalim sa isang gender test kaya hindi na sumali noong 1966 Asian Games sa Bangkok, Thailand.
Matapos ito ay hindi na muling sumabak sa anumang international competitions si Sulaiman, nagtrabaho sa PSC bilang consultant ng athletics.
- Latest