Magandang simula kay Canaleta sa Bolts
MANILA, Philippines — Sa kanyang courtside interview matapos ang laro ay binuhusan nina Jared Dillinger at Chris Newsome ng malamig na tubig si Niño Canaleta.
Parang hindi bagong miyembro ang 35-anyos na tubong Tarlac City kung tratuhin ng mga Meralco players.
“Welcome na welcome ako sa kanila kaya hindi ako nahirapang mag-adjust,” sabi ni Canaleta matapos umiskor ng 25 points tampok ang 5-of-8 shooting sa three-point line para pamunuan ang Bolts sa 103-98 paggupo sa kanyang dating koponang Blackwater Elite sa 2018 PBA Philippine Cup kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kahanay ngayon ng Meralco sa win column kasama ang nagdedepensang San Miguel, NLEX at Magnolia.
“We did a good job recovering from a slow start…but I think the e-nergy to get back cost us down the stretch,” wika ni one-time PBA Grand Slam champion coach Norman Black.
Nagdagdag si Baser Amer ng 17 points kasunod ang 15 at 12 markers nina Dillinger at Newsome, ayon sa pagkakasunod.
Bumangon ang Bolts mula sa 12-point deficit, 27-39, sa second period para makatabla sa halftime, 44-44, patungo sa pagtatayo ng 77-61 bentahe sa huling minuto ng third quarter yugto.
Ipinoste ng Meralco ang 19-point lead, 92-73, sa basket ni Canaleta sa 7:08 minuto ng final canto hanggang muling makadikit ang Blackwater sa 95-98 agwat galing sa dalawang free throws ni No. 3 overall pick Reymar Jose sa huling 33.1 segundo nito.
Kumonekta naman si Canaleta ng tres at dalawang charities para tuluyan nang selyuhan ang panalo ng Bolts laban sa Elite, nakahugot kina Jose at Allein Maliksi ng tig-16 points.
- Latest