Bagong Phl record naitala ni Beram
MANILA, Philippines - Muling sinira ni Trenten Anthony Beram ang Philippine record sa men’s 200-meter dash sa kanyang paglampas sa 21-second barrier sa finals ng 22nd Asian Athletics Association noong Linggo sa Bhubaneswar, India.
Si Beram ang naging unang Pinoy na naorasan ng mas mababa sa 21 segundo matapos magsumite ng bilis na 20.96 segundo para tumapos sa pang-lima sa sa kabuuang walong finalists sa huling araw ng kompetisyon.
Ang gold medal ay napunta kay Taiwanese Yang Chun Hun na nag-lista ng 20.66 segundo kasunod sina Korean Park Bongo (20.76) at Qatari Femi Seun (20.79) para sa silver at bronze medal, ayon sa pagkakasunod.
Pumang-apat naman si Chinese Bie Gie (20.85) sa itaas nina Berram, Japanese Kotoro Taniguchi (21.01), Indian Amiya Kumar Mallick (21.03) at Vladislav Grigoryev (21.07).
Ito ang ikalawang pagkakataon na nagtala ng bagong Philippine mark ang New York-based na si Berram sa Asian tilt.
Noong Sabado ay naorasan si Beram ng tiyempong 21.05 segundo sa heats para burahin ang 21.12 na kanyang inilista sa PATAFA trials noong nakaraang taon.
Inaasahang mag-uuwi ng medalya si Beram, gumawa ng paraan kasama ang kanyang inang si Nena para makapag-try out sa national team at katawanin ang bansa sa mga international competitions, sa Southeast Asian Games sa kanyang paglahok sa 200m at 400m events.
Nagtapos ang kampan-ya ng Pilipinas sa nasabing Asian meet mula sa tig-isang gold, silver at bronze medal.
Ang gold medal ay nagmula kay Olympian Eric Cray na naghari sa men’s 400-m hurdles, habang ang pilak at tanso ay ambag nina Harry Diones (men’s triple jump) at EJ Obiena (men’s pole vault).
- Latest