Clash of Heroes inurong sa May 15
MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ng organizing PSC-POC Media Group at Larong Volleyball sa Pilipinas, Inc. ang nakatakdang “Clash of Heroes” sa Mayo 15 sa FilOil Flying V Arena ng San Juan City para pagtuunan ng mga manlalaro sa Ateneo at De La Salle ang kanilang best-of-three Finals sa 79th University Athletic Association of the Philippines.
Maghaharap ang Lady Archers at Lady Blue Eagles sa Game One ng UAAP Finals sa Mayo 2 at ang Game 2 ay sa Mayo 6, kaya napag-isipan ni LVPI acting president Peter Cayco na iurong ang “Clash of Heroes” na orihinal nakatakda sa Abril 28.
Layunin sa fund-rasing project na ito na makalikom ng pondo para sa foreign training at exposures ng national women’s at national men’s team na sasabak sa 29th Southeast Asian Games ngayong Agosto 19 hanggang 31 sa Kuala Lumpur, Malaysia.“
Ilan sa mga manlalaro ng La Salle kagaya ni Kim Fajardo at Dawn Macandili ng La Salle at Kat Tolentino at Maddie Madayag ng Ateneo ay kasama ring umaasa na mapasama sa national team.
“These players are our future. We want to give them the opportunity to compete against the veteran players in the pool and fight for their slots in the national team,” ayon kay Cayco.
Ang ibang stars na maglalaro sa “Clash of Heroes” ay sina dating Ateneo superstar Alyssa Valdez, dating La Salle sensation Mika Reyes at mga beteranong sina Rachel Anne Daquis, Jovelyn Gonzaga, Aiza Maizo-Pontillas, Rhea Dimaculangan, Jaja Santiago at Aby Maraño. Ang national team ay sa pa-ngangalaga ni coach Francis Vicente.
Ang National Collegiate Athletic Association (NCAA) MVP Johnvic de Guzman naman ang mangunguna sa national men’s team kasama sina dating RP team mainstays Peter Torres, Ran Abdilla at Mark Alfafara. Si Sammy Acaylar naman ang head coach ng men’s national team.
Ang tickets ay ibinibenta sa halagang P200 (lower box) at P100 (upper box) sa PSC-POC media center sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex.
- Latest