Bolts ‘di natinag sa No. 2
MANILA, Philippines - Nakakuha ng double-digit production mula sa lima nilang players, patuloy na sinolo ng Bolts ang ikalawang puwesto sa 2017 PBA Commissioner’s Cup.
Umiskor si Jared Dillinger ng 21 points, ha-bang nag-ambag si import Alex Stepheson ng 18 markers para tulungan ang Meralco sa 102-91 paggiba sa Blackwater kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nagdagdag sina 2016 PBA Rookie of the Year Chris Newsome, Kelly Nabong at Baser Amer ng 14, 13 at 12 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa ikalawang sunod na ratsada ng Bolts.
Nadiskaril naman ang hangad na unang back-to-back wins ng Elite para sa kanilang 1-5 baraha katabla ang Mahindra.
Nakabawi ang Meralco mula sa eight-point deficit, 72-80, sa Blackwater sa third quarter para agawin ang 85-84 bentahe mula sa three-point play ni rookie Ed Daquioag sa 7:21 minuto ng fourth period.
Ang basket ni Ronjay Buenafe ang muling nagdikit sa Elite sa 88-92 sa huling 2:42 minuto ng laro at ang magkasunod na tirada nina Stepheson at Newsome ang tuluyan nang naglayo sa Bolts sa 97-88 sa natitirang 1:38 minuto ng laro.
Humakot si import Greg Smith ng 19 points, 14 rebounds at 7 assists para sa panig ng Elite.
- Latest