Racal VS Cignal-CSB sa championship
MANILA, Philippines - Maghaharap para sa kampeonato ng 2017 PBA D-League Aspirants’ Cup ang Cignal-San Beda at Racal Ceramica matapos maipanalo ang kani-kanilang mga best-of-three series sa semifinals na natapos sa Ynares Arena sa Pasig kahapon.
Tinambakan ng Cignal ang Tanduay, 88-65, habang niyanig naman ng Racal Ceramica ang CafeFrance sa iskor na 78-74 upang makapasok sa Finals ng liga sa unang pagkakataon.
Napalaki ng Hawkeyes ang kanilang naiposteng 40-31 na kalamangan sa first half sa third quarter nang gumawa ng 28 puntos sa pamumuno nina Javee Mocon at Pamboy Raymundo kumpara sa 13 lamang na nailista ng Rhum Masters.
Kumamada ng 17 puntos at limang assist ang da-ting pro na si Raymundo habang kumolekta ng 15 puntos si Mocon mula sa bench para buhatin ang Hawkeyes na kumpletuhin ang kanilang pagbalik sa serye matapos matalo sa Game One.
Kumamada rin ng 12 puntos at 10 rebounds ang MVP candidate na si Jason Perkins mula rin sa bench para tulungan ang Cignal.
Natapos naman ang kampanya ng dalawa ring da-ting pro na sina Mark Cruz na kumubra ng 13 puntos, 10 rebounds at apat na assist at Jerwin Gaco na nagtala ng 15 puntos at walong rebounds para sa Tanduay.
Naipasok ng dating Mapua Cardinal na si Allan Mangahas ang kanyang ibinatong tres sa huling limang segundo ng laro mula sa pasa ni Arellano Chief guard Kent Salado upang pataasin sa apat ang kalamangan ng Racal at selyuhan ang pagtapos sa kanilang serye.
Matagumpay na naitawid ng Tile Masters ang laro matapos burahin ng Bakers ang kanilang 62-54 na bentahe at ibaba ito sa 74-71 sa 26 na segundo ng laro sa freethrows ni Rodrigue Ebondo.
Nagtala si Salado ng 16 na puntos, anim na rebounds at walong assists habang umiskor naman ng 15 puntos si Mangahas sa loob ng 17 minuto ng pag-lalaro para pamunuan ang opensiba ng Tile Masters.
“I just trusted them. Buti na lang I picked the right people in the endgame,” pahayag ni Racal head coach Jerry Codiñera.
Nagbigay naman ng 26 na puntos at 20 rebounds si Ebondo para sa Bakers habang tumapos naman ng may 16 na puntos si Paul Desiderio.
- Latest