Lady Blaze Spikers asam ang semifinals
MANILA, Philippines - Target ng solo leader Petron Blaze ang unang semifinal slot sa kanilang pakikipagtagpo sa malakas ding Foton Tornadoes sa pagpapatuloy ngayon ng 2017 Belo-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa FilOil Flying V Arena sa San Juan City.
Tangan ang 3-0 win-loss kartada, haharapin ng Lady Blaze Spikers ang Tornadoes (2-1) sa alas-3 ng hapon habang hangad naman ng pumapa-ngalawang Cignal HD Spikers (2-1) ang ikatlong panalo sa torneo laban sa Generika-Ayala (1-1) sa alas-7:00 ng gabi.
Maghaharap naman ang mga wala pang panalo at mga baguhang Cocolife Assets Managers (0-3) at Sta. Lucia Lady Realtors (0-2) sa alas-5 ng hapon sa triple-header offering ng torneo na sinusuportahan ng Senoh, Mikasa, Mueller, Asics at TV5, ang opisyal broadcast partner.
Krusyal ang laban ng Lady Realtors at Assets Managers dahil ang mananalo ay mananatiling buhay ang pag-asa na makapasok sa semifinals sa una nilang pagsali sa women’s club tourney na sinusuportahan din ng Gold’s Gym bilang opisyal fitness partner at UCPB Gen bilang opisyal na insurance provider.
Matapos ang ginawang revamp, lumakas ang Petron kaya sa pamamagitan nina Mika Reyes, Carmela Tunay at Ces Molina, rumatsada kaagad ang Lady Blaze Spikers ng tatlong sunod na panalo.
Ang una nilang tinalo ay ang Sta. Lucia (25-19,25-19,25-21) ang ikalawa ay Cignal HD (18-25, 26-24, 14-25, 25-20,15-12). Nagwagi rin ang Petron sa Cocolife, 20-25, 25-19, 25-21, 25-21 noong Sabado para sa kanilang tatlong sunod na panalo upang manatili sa solo leadership.
Pero alam naman ni Petron coach Shaq De los Santos na malakas ring kalaban ang Foton Tornadoes kaya hindi sila puwedeng mag-relax.
Kahit hindi nakakalaro sina Jaja Santiago at EJ Laure dahil sa on-going na UAAP tournament, ipinakita nina Dindin Manabat, Grethcel Soltones, Cherilyn Sindayen at Maika Ortiz ang matikas na laro kaya pumalo rin ang Foton ng dalawang panalo sa tatlong laban. Ang tanging talo ng Foton ay sa Cignal HD, 24-26, 25-20, 24-26. 25-13, 9-15 noong opening.
“We know that Foton is a contender every conference. Kahit sinong players ang ilagay mo dyan, lalaban at lalaban talaga ang team na iyan. That’s why we have to be careful. We expect this match to be a very tough battle,” sabi ni Delos Santos na tinutukoy ang kanilang talo sa Foton sa nakaraang PSL Grand Prix.
Nagpahayag naman ng malaking tiwala si Serbian coach Moro Branislav ng Foton sa kanyang mga manlalaro.
“For my opinion, we can make it to the semifinals. That’s why this victory over Petron is very important to my team. This will gauge how we will perform in the next round,” ayon kay Branislav.
Sasandal si Branislav kina Santiago-Manabat, Soltones, Sindayen, Mary Grace Berte, Jennilyn Reyes, Ivy Perez at Kathleen Barrinuevo. FCagape
- Latest