P80K pupuntiryahin sa Super Six
MANILA, Philippines - Ang naiwang P80,511.41 dibidendo para sa super six noong nakaraang Marso 2 ang target nga-yon ng mga karerista sa unang karera pa lamang na isang super six event.
Ang naturang dibidendo ay nabitin dahil sa walang nanalo sa unang karera na pinanalunan ng sobrang dehadong kabayong Gil’s Pet na pinatu-ngan ni Dominador H. Borbe Jr.
Ang kumbinasyong nanalo noon ay 7-9-10-1-5-8 na binuo nina Gil’s Pet, Tenseventeen, Low Key, Big Boy Power, Kapayapaan at Desert Zar.
Sa forecast pa lamang na 7/9 ay mabibigla na sa dibidendong P20,589 sa bawat P5 taya. At kagulat-gulat rin ang premyong P96,588 sa trifecta event.
Sa daily double, naipares ito sa kumbinasyong 7/3 kakambal ang kabayong Kid Benjie at nagkaroon ng P3,740 paycheck. At mas malaking P29,204 naman ang siyang naging pabuya para sa extra double nito sa kumbinasyong 7/5.
Ang nakalinya ngayon sa programa sa unang karera ay para sa Handicap-6. At ang mga kasali ay ang mga kabayong Guanta Na Mera, Cat’s Regal, Katniss, Give It all, Top Secret, Homonhon Island, Tito Gene, Tagapagmana, Niccole Angel, Wo Wo Duck at The Human Torch.
Top choice ng mga racing experts ay ang apat na taong babaeng alasang Tagapagmana na gagabayan ni Albert B. Serios gayundin ang kapapanalo lang na anim na taong lalakeng kastanyong Wo Wo Duck na si Ryan A. Base naman ang patong.
Malaki rin ang posibilidad na masilat ang mga paborito rito at masingitan ng mas dehadong kabayo. At dito natin nasisilip ang deremateng The Human Torch na nitong Pebrero 25 ay nagwagi rin sa pamamagitan ng pagpaparemate.
Sa mga sprinters o banderistang kabayo ay napipisil rin ang apat na taong babaeng kastanya na pangarera ni Atty. Narciso Morales na Guanta Na Mera, Top Secret na lahok ni Antonio V. Tan Jr., at Cat’s Regal na entry ng Santa Clara Stockfarm at Niccole Angel na isinali ni Patrick P. Uy. (JMacaraig)
- Latest