Morales nagpaubaya kay Quitoy
TAGAYTAY CITY, Philippines - May apat na lap victory na si Jan Paul Morales ng Navy-Standard Insurance at kasalukuyang bumabandera sa overall individual classification.
Nang magsama sina Morales at Roel Quitoy ng Team Mindanao sa isang breakaway sa huling 20 kilometro ay minabuti ng nagdedepensang kampeon na paunahin sa finish line ang tubong Zam-boanga City.
Naglista ang 25-anyos na si Quitoy ng bilis na tatlong oras, 25 minuto at 29 segundo para sa kanyang unang lap victory at ibulsa ang premyong P20,000 sa 130 kilometer-Stage 10 ng 2017 LBC Ronda Pilipinas na dumaan sa ilang kalsada ng Batangas kahapon dito.
“Noong dalawa na lang kami sa trangko sinabi niya sa akin na magtulungan na lang kami at ibibigay niya sa akin itong stage,” sabi ni Quitoy, isang bike mechanic sa Multi Sport Bike Shop na sumakay sa isang hiram na bisikleta matapos masiraan sa Stage Nine.
Ito ang ikalawang pagkampanya ni Quitoy sa LBC Ronda Pilipinas.
Nauna nang pinagha-rian ng pambato ng Calumpang, Marikina na si Morales ang Stages Two, Three, Six at Nine.
“Deserving naman talaga si Quitoy na manalo dito sa Stage 10 kasi siya ang nagdala sa grupo at sa akin para makalayo kami,” wika ng 31-anyos na si Morales. “Talagang nagtiyaga siya at nakita ko na pursigido siyang manalo, kaya ibinigay ko na sa kanya.”
Pumangalawa si Mo-rales, nais maging unang back-to-back champion ng LBC Ronda Pilipinas sa kanyang oras na 3:25:31 kasunod sina Ronnilan Quita ng Kinetix Lab-Army at Jay Lampawog ng Navy na may indentical time na 3:26:50.
Ang iba pang nasa Top 10 ay sina Rudy Roque (3:27:15) ng Navy, Marvin Tapic (3:27:46) at Cris Joven (3:27:49) ng Kinetix Lab-Army, Lloyd Lucien Reynante (3:27:49) at Joel Calderon ng Navy at Jheffson Sotto (3:27:49) ng Team Ilocos Sur.
Patuloy pa ring hinahawakan ni Morales ang Red Jersey sa kanyang oras na 33:26:24 para sa overall individual lead ng 14-stage race na inihahandog ng LBC katuwang ang MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Victory Liner, Maynilad, Standard Insurance.
Kasunod ni Morales sina Roque (33:30:50), Joven (33:34:39), Lampawog (33:37:48), Jonel Carcueva (33:38:40) at Bryant Sepnio (33:39:09) ng Go for Gold, Leonel Dimaano (33:39:28) ng RC Cola-NCR, Ryan Serapio (33:41:39) ng Team Ilocos Sur, Daniel Ven Carino (33:42:51) ng Navy at Quita (33:45:29).
Samantala, pakakawalan ngayon ang 140km-Stage 11 na magsisimula sa Calamba, Laguna at magtatapos sa Antipolo City.
Bumabandera pa rin ang Navy (134:59:29) sa overall team classification kasunod ang Kinetix Lab-Army (135:46:37) at Team Ilocos Sur (1:37:14:12).
- Latest