Mbala Collegiate Player of the Year
MANILA, Philippines - Hinirang bilang Player of the Year si UAAP Season 79 MVP Ben Mbala ng La Salle sa ginanap na Collegiate Basketball Awards sa Montgomery Place Social Hall E.Rodriguez Avenue, Quezon City nitong nakaraang Huwebes.
Ang Cameroonian center ang napili ng mga miyembro ng UAAP-NCAA Press Corps para sa naturang parangal matapos pamunuan ang Green Archers na mapanalunan ang kampeonato ng UAAP Season 79 men’s basketball tournament.
Kasama ring binigyan ng parangal ni Mbala ang kanyang kakampi na si Jeron Teng bilang bahagi ng Mythical Five kung saan nakasama nila si two-time NCAA MVP Allwell Oraeme ng Mapua, Javee Mocon ng San Beda at dating Arellano University star pointguard Jiovanni Jalalon na ngayon ay naglalaro na sa PBA.
Nakuha naman ni La Salle head coach Aldin Ayo ang Coach of the Year award kasama ni dating San Beda head coach Jamike Jarin matapos mandohin ang kanilang koponan patungo sa kampeonato ng UAAP at NCAA ngayong taon.
Sa iba pang parangal, iginawad kina San Beda forward Davon Potts at La Salle guard Kib Montalbo ang Pivotal Player award para sa kanilang naging kontribusyon sa mga championship run ng kanilang koponan.
Nakuha naman ni Adamson Cameroonian center Papi Sarr ang titulo ng Mr. Efficiency, habang sina dating UP at FEU team captain Jett Manuel at Raymar Jose ang itinanghal na Super Seniors. Iniuwi naman ni UP forward Paul Desiderio ang Breakout Player of the Year award.
Si Mbala ang pang-apat na manlalaro mula UAAP na nagwagi bilang Player of the Year tulad nina two-time UAAP MVP Kiefer Ravena mula sa Ateneo, dating FEU Tamaraws Mac Belo at ang kanyang kakampi na si Jeron Teng.
Itinaguyod ng Smart, Mighty Sports, Accel, Chooks to Go at MJM Productions ang nasabing gabi ng parangal.
- Latest