Mahindra magpapalakas ng tsansa sa q-finals
MANILA, Philippines - Pipilitin ng Mahindra na makuha ang kanilang pangatlong sunod na panalo para mapalakas ang tsansa sa quarterfinal round habang mag-uunahan naman sa pagbangon mula sa kabiguan ang TNT Katropa, Phoenix at NLEX.
Lalabanan ng rumaragasang Floodbusters ang Tropang Texters ngayong alas-4:15 ng hapon kasunod ang pagtutuos ng Fuel Masters at Road Warriors sa alas-7 ng gabi sa 2017 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Nagmula ang Mahindra sa mala-king 105-92 paggupo sa bumubulusok na Meralco na tinampukan ng career-high na 25 points ni Philip Paniamogan.
Sa kabuuang 21 three-point shots kontra sa Bolts ay pito ang isinalpak ni Paniamogan para sa Floodbusters, nanggaling sa 97-93 overtime win laban sa Blackwater Elite noong Dis-yembre 25.
“He just does what you want him to do,” sabi ni head coach Chris Gavina sa undrafted player noong 2014 PBA Draft. “He’s somebody who accepts his role and when he’s called upon he’s ready to excel now.”
Kasalukuyang magkasosyo sa ikaapat na puwesto ang TNT Katropa, Barangay Ginebra, Star, Phoenix at Alaska sa magkakatulad nilang 4-4 kartada kasunod ang Mahindra na may 2-5 baraha.
Sinimulan ng Floodbusters ang season-opening conference sa 0-5 bago dumalawa sa Elite at Bolts para sumilip ng pag-asa sa isa sa natitirang pitong tiket sa quarterfinals.
Ang nagdedepensang San Miguel Beermen ang umangkin sa unang quarterfinals berth sa bisa ng kanilang 8-1 record.
Sa tournament format ay walo ang aabante sa quarterfinals kung saan ang magiging No. 1 at No. 2 teams ang mabibigyan ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 8 at No. 7 squads, ayon sa pagkakasunod.
Ang apat na mangungulelat na koponan ang masisibak sa torneo.
Pakay naman ng Tropang Texters, Fuel Masters at Road Warriors na ma-kabawi sa kani-kanilang nalasap na pagkatalo para patibayin ang tsansa sa quarterfinals.
Nakalasap ng dalawang sunod na talo ang TNT Katropa matapos yumukod sa NLEX, 98-110 at Star, 77-88 samantalang bigo ang Phoenix sa Rain or Shine, 82-97 sa kanilang huling laro.
- Latest